Calendar
Pagtatatag ng Sogod Cebu Int’l Airport ipinanukala ni Rep. Frasco
ISINUSULONG NI House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Cong. Vincent Franco “Duke” D. Frasco ang tuluyang pag-unlad ng “air-transportation sector” ng kanilang lalawigan sa pamamagitan ng pagtatatag ng Sogod Cebu International Airport na nakapaloob sa inihain nitong panukalang batas.
Inihain ni Frasco ang House Bill No. 9665 sa Kamara de Representantes na naglalayong maitatag ang Sogod Cebu International Airport na inaasahang lalong magpapa-unlad sa ekonomiya ng lalawigan. Bukod pa ang Magandang oportunidad na maibibigay nito sa turismo ng Cebu City.
Kinikilala ni Frasco ang “air-transport sector” bilang isa sa mga haligi ng economic growth at development ng kanilang lalawigan na nagbibigay ng napaka-halagang papel para naman sa tinatawag na “high-value industries” tulad ng trade, manufacturing partikular na sa tourism.
Sinabi ng kongresista na ang pagtatayo ng isang International Airport sa Munisipalidad ng Sogod ay magbubukas ng napakaraming oportunidad sa kanilang lalawigan. Kabilang na dito ang pagkakaroon ng maraming trabaho para sa kaniyang mga constituents at pagpasok ng mga turista.
Ang pinapanukalang Sogod Cebu International Airport ay magiging pangalawang International Airport ng lalawigan. Kung saan, ipinahayag pa ni Frasco na ang pagtatatag ng nasabing pambansang paliparan ay makakabawas o makaka-decongest sa air-traffic sa Mactan-Cebu International Airport.
Ipinaliwanag pa ni Frasco na ang Sogod Cebu International Airport ay inaasahan na magsisilbing “gateway” o lagusan ng mga taga Northern at Central Visayas na maghahatid ng napakaraming access at connectivity sa iba pang mga karatig lalawigan kasama na ang ibang mga bansa.
Ayon kay Frasco, hindi lamang aangat ang kabuhayan ng kaniyang mga kababayan sa pamamagitan ng Sogod Cebu International Airport. Bagkos, magkakaroon din aniya ng malaking economic impact ang pagbubukas nito para naman sa mga negosyante na nagtutungo sa kanilang lalawigan.