Calendar
FFW nagpaabot ng pakikiramay sa pagpanaw ni Archbishop Fernando “Nanding” Capalla, DD,
NAGPAABOT ng taos pusong pakikiramay ang grupong Federation of Free Workers (FFW) sa pagpanaw ni Archbishop Fernando “Nanding” Capalla, DD, sa edad na 88 na itinuturing nila bilang tagapagtaguyod ng kapayapaan at pagkakaisa sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim sa Mindanao.
Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi Atty. Sonny G. Matula, Pangulo ng FFW, na taos-puso nilang kinikilala at pinaparangalan ang mga hindi matatawarang ambag at at naging achievements ni Bishop Capalla patungkol sa pagiging bukas nito sa mga manggagawa at pagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao.
Ipinaliwanag ni Matula na maituturing na mahalagang instrumento si Bishop Capalla sa Mindanao sapagkat pinasimulan nito ang pagtataguyod ng diyalogo sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim upang makamit ang mailap na kapayapaan sa nasabing lalawigan sa pamamagitan ng pagkakaisa.
Ayon kay Matula, hinahangaan ng FFW si Bishop Capalla dahil sa palaging pagiging bukas nito para sa mga manggagawa na nahaharap sa iba’t-ibang problema na kanilang pinapasan na may kinalaman sa kanilang hanay. Kaya itinuturing nilang isang malaking kawalan ang pagpanaw ng Arsobispo.
“Siya ay palaging bukas sa mga manggagawa sa mga problemang kanilang pinapasan. Nakilala siya ng kasalukuyang pamunuan ng FFW noong ang kasalukuyang liderato ay estudyante pa sa MSU sa Marawi at si Capalla ang administrator ng Prelature of Marawi,” ayon kay Atty. Matula.
Samantala, sa okasyon ng Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno ngayong araw (January 9, 2023). Nagpahayag ng marubdob na pagbati ang FFW sa pangunguna ni Atty. Matula para sa humigit kumulang 2.3 milyong deboto ng “Itim na Nazaremo” na makikilahok sa taunang Translacion.
Sinabi ni Matula na marami sa mga kasapi ng FFW ang aktibong lumalahok sa mga pagdiriwang na gaya ng Piyesta ng Quiapo na may panalangin para sa tagumpay ng kanilang grupo para maipagpatuloy nila ang kanilang paglilingkod sa mga manggagawa sa tulong ng Poong Nazareno.