Calendar
Moratorium ng DMW kinatigan ni Magsino
KINAKATIGAN ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang ipinataw na “moratorium” ng Department of Migrant Workers (DMW) na naglalayong ipahinto ang pagpapadala o “dispatching” ng mga tinatawag na “seasonal workers” sa South Korea.
Ipinabatid ni Magsino na ang ipinataw na “moratorium” ng DMW ay kaugnay sa inihain nitong House Resolution No. 1343 na naglalayong magkaroon ng imbestigasyon patungkol sa recruitment at employment ng mga Filipino Seasonal Agricultural Workers sa South Korea.
Sinabi ni Magsino na sa ilalim ng Seasonal Workers Program (SWP), ang mga Pilipinong manggagawa ay pinahihintulutang magtrabaho sa loob ng tatlo hanggang limang buwan sa pamamagitan ng pagiging magsasaka sa mga Korean farms sa ilalim ng Memorandum of Understanding o isang kasunduan sa pagitan ng Local Government Units (LGUs) ng Korea at Pilipinas.
Gayunman, ipinahayag ng OFW Party List Lady solon na noong June, 2023 nang bumisita siya sa South Korea. Maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nagpa-abot sa kaniya ng kanilang karaingan at reklamo hinggil sa iba’t-ibang labor violations na nararanasan nila.
Ayon kay Magsino, kabilang sa mga ipinarating na reklamo ng mga OFWs laban sa kanilang mga employer ay ang kawalan ng sapat na pagkain o inadequate meals, lodging violations, mahabang oras ng pagta-trabaho taliwas sa napagkasunduan at mistreatment o maling pagta-trato sa kanila ng kanilang amo.
Idinagdag pa ng kongresista na dahil ang nabanggit na programa ay isang LGU-to-LGU. Hindi ito aniya dumaan sa masusing pagsusuri o screening ng DMW. Habang kinompirma naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkakaroon ng seasonal workers program sa South Korea.
“We believe the moratorium will allow DMW, DFA and DILG to work on stronger mechanisms on the screening of employers, pre-deployment seminars on the rights of workers, establishing just and fair working conditions and stringent monitoring of deployed workers,” ayon kay Magsino.