BBM2

Marcos tiniyak na walang magugutom sa Bagong Pilipinas

Chona Yu Feb 3, 2024
156 Views

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na walang Filipinong maiiwan at magugutom sa “Bagong Pilipinas.”

Sa talumpati sa ceremonial palay harvesting at distribution ng iba’t ibang ayuda sa mga magsasaka sa Candaba, Pampanga, sinabi ni Pangulong Marcos na ito ay dahil mayroon ng modernong kagamitan at sapat na ayuda sa pamahalaan ang mga nasa sektor ng agrikultura.

Sabi ni Pangulong Marcos, malaking tulong din ang kooperasyon ng bawat isa para lalong gumanda ang lagay ng Pilipinas.

“Ang ating pagtutulungan na mapaunlad ang ating sektor ng agrikultura ay isa lamang sa mga pangunahing hakbang tungo sa pagbuo ng isang Bagong Pilipinas— kung saan walang nagugutom at ang lahat ay masigabong kumikilos para sa mas masaganang kinabukasan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Para masiguro na magiging masagana ang ani ng mga magsasaka, sinabi ni Pangulong Marcos na palalakasin pa ang pondasyon nito.

Nasa 12,000 magsasaka, 10 kooperatiba at asosasyon ang binigyan ni Pangulong Marcos ng hauling trucks, seeds, financial assistance at iba pang tulong.

Sinaluduhan ni Pangulong Marcos sa dedikasyon ng mga magsasaka.

“Sa ating mga minamahal na nagsasaka, ang inyong dedikasyon, sakripisyo at sipag ay tunay na nagsisilbing inspirasyon sa ating lahat. Ang inyong mga kamay – na masigasig na nagbubungkal ng lupang inyong sinasaka – ang siyang nagbibigay ng buhay at sigla sa ating sambayanan,” pahayag ni Pangulong Marcos.