PBBM

Marcos ginawaran ng parangal 4 na sundalo na nakapatay sa MSU bombing suspects

Chona Yu Feb 12, 2024
123 Views

GINAWARAN ng parangal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang apat na sundalo na nasugatan matapos makipagsagupaan sa mga miyembro ng Dawlah Islamiya-Maute Group (DI-MG) sa Bgy. Tapurong, Piagapo, Lanao del Sur. Army.

Gold Cross Medals ang iginawad ni Pangulong Marcos sa dalawang sugatang sundalo dahil sa kagitingan.

Military Merit Medals (MMM) with Bronze Spearhead Device naman ang iginawad ni Pangulong Marcos sa dalawang sundalo dahil sa mahalagang papel na ginampanan sa operasyon.

Kasama ni Pangulong Marcos sa paggawad ng parangal sa apat na sundalo sina Secretary of National Defense Gilberto C. Teodoro Jr., AFP Chief of Staff Gen. Romeo S. Brawner Jr., at Army Chief Lt. Gen. Roy M. Galido.

Iginawad ang parangal noong Pebrero 12 sa Army General Hospital sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Nagsagawa ng operasyon ang apat na sundalo na pawang mga miyembro ng 3rd Scout Ranger Battalion laban sa mga miyembro ng DI-MG noong Enero 25 hanggang 26 sa Bgy. Tapurong.

Sa nasabing operasyon, napatay ng mga sundalo ang siyam na miyembro ng DI-MG kasama na ang mga suspek sa pagpapasog sa Mindanao State University sa Marawi kamakailan.