Valeriano

Valeriano optimistiko NAIA magiging world class airport

Mar Rodriguez Mar 19, 2024
581 Views

OPTIMISTIKO ang chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na magiging isang “world class airport” ang Ninoy Aquino International Airport bunsod ng nilagdaang concession agreement para sa privatization ng NAIA.

Sinabi ni Valeriano na sa pamamagitan ng pagsasa-pribado ng tatlong terminal ng NAIA. Malaki ang posibilidad na ito’y maging isang “world class airport” sa gitna ng samu’t-saring kontrobersiya na kinakaharap nito. Kabilang na ang nakakahiya at dugyot na kalagayan ng NAIA.

Ayon kay Valeriano, malaki ang kaniyang tiwala na lalo pang mapapaganda at maisasa-ayos ang sistema ng NAIA mula sa pagiging “worst airport” ng Pilipinas tungo sa pagiging premier gateway ng Pilipinas sapagkat pribadong kompanya na ang magpapatakbo nito.

Nauna ng inihayag ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na nagkaroon ng paglagda para sa “landmark concession agreement” para sa Public-Private Partnership Project (PPP) ng NAIA na nagkakahalaga ng P170.6 billion na lalong magpapa-igting sa turismo ng bansa.

Ipinaliwanag pa ni Valeriano na napakahalaga ng PPP project para matugunan ang malaon ng problema ng NAIA. Kabilang na dito ang kapasidad ng NAIA sa tumataas na demand ng domestic at international passengers.

Nauna rito, nagpahayag ng pagkabahala si OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino patungkol sa pamemeste ng mga surot at daga sa mga terminals NAIA na nagdudulot ng napakalaking perwisyo para sa napakaraming pasahero ng pambansang paliparan.

Hindi maitago ni Magsino ang kaniyang labis na pag-aalala para sa kasalukuyang kalagayan umano ng Terminal 1, 2 at 3 ng NAIA kaugnay sa pamumuksa ng mga surot at daga na nagdudulot ng pangamba para naman sa libo-libong pasahero bunsod ng hindi komportable nilang karanasan.