Calendar
Tuloy-tuloy na pagseserbisyo: Romualdez namahagi ng ayuda, bigas sa 3,000 residente sa Leyte
SA patuloy na pagsisikap na matulungan ang mga mahihirap na mga Pilipino na maiangat ang estado ng kanilang pamumuhay, pinangunahan ng tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pamamahagi ng tulong pinansyal at bigas sa libu-libong residente ng Leyte.
Sa ilalim ng Cash and Rice Distribution (CARD), umabot sa kabuuang 1,000 benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-P5,000 tulong pinansyal at P1,000 na halaga ng bigas, sa event na ginanap sa Brgy. 94, Tigbao, Tacloban City.
Nasa 2,000 residente naman ang nabigyan ng tig-P4,050 para sa kanilang 10-araw na pagtatrabaho sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program sa bayan ng Tolosa, Leyte.
Binigyang-diin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kahalagahan ng mga inisyatibang ito sa pagtataguyod ng kapakanan ng komunidad at pag-suporta sa pagbangon ng ekonomiya ng lalawigan ng Leyte.
“These aid distributions are a testament to our commitment to serve the people of Leyte. By providing both immediate relief and employment opportunities, we are taking significant steps towards rebuilding and strengthening our communities,” ayon sa pinuno ng Kamara.
“These efforts are part of a broader strategy of the administration of President Ferdinand R. Marcos, Jr. to address the ongoing challenges faced by many Filipinos and to foster resilience and recovery across the nation,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.
Ayon sa mambabatas ang mga kaparehong programa ay ipinatutupad din sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang CARD program ay idinisenyo na makatulong sa pinansyal na pangangailangan ng mga residente at tiyakin na may access sila sa mga pangunahing pangangailangan, habang ang TUPAD naman ay nagbibigay ng emergency employment para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, underemployed, at seasonal workers.
Nagsilbi namang kinatawan ni Speaker Romualdez sa pamamahagi ng tulong sa Tolosa ang kaniyang District Chief of Staff na si Atty. Mark Stephen Reyes.
“Alinsunod po sa direktiba ni Speaker Romualdez, patuloy kaming nakikipag-ugnayan sa mga local government units at ibat-ibang mga ahensya ng ating gobyerno para sa maayos at mabilis na paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan na nangangailangan ng ayuda,” ayon kay Atty. Reyes.
Dumalo rin sa pamamahagi ng tulong sa mga residente sina Tolosa Mayor Erwin C. Ocaña at Engr. Emmanuel Dela Cruz, Head ng Department of Labor (DOLE)-North Leyte Field Office katuwang si Atty Reyes para sa TUPAD payout.
Habang ang Brgy. Tigbao payout ay pinangasiwaan ni Cyril Malinao, District Co-ordinator ng Office of the Speaker sa pakikipagtulungan na rin ni Social Welfare Officer II Rammilyn Majarilla ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Binigyan diin ni Atty. Reyes, na ang pagpapatupad ng iba’t ibang mga programa na pagbibigay ng tulong sa Leyte ay pagpapakita ng patuloy na pagsisikap ni Speaker Romualdez na tulungan ang mga nangangailangan sa kaniyang distrito at buong lalawigan alinsunod na rin sa pinapangarap na Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.