Calendar
Sen. Risa naghihimutok, Alice Guo wala na sa Pinas
NAGHIHIMUTOK sa galit si Deputy Minority Leader Senadora Risa Hontiveros sa pagbulgar na nakalabas na ng bansa ang kontrobersiyal na dating Bamban Tarlac Mayor Alice Guo or Guo Hua Ping na diumanoy nakapuslit nuong nakaraang Hulyo 18, 2024, patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
“Parang nagpapasampal tayo sa dayuhan na ito. Paulit ulit na sinasalaula ang ating mga batas, patakaran at proseso. Who allowed this travesty to happen? Sino sino ang mga nasa likod nito? Si Alice Guo o Guo Hua Ping ay hindi magagawa ito kung walang tutulong sa kanya na mga opisyales ng pamahalaan. Para tayong ginisa sa sarili nating mantika,” ani Hontiveros na nagsabing dapat may mga managot sa puntong ito.
Ani Hontiveros, dapat imbitahin ang lahat ng mga ahensiya na may kaugnayan sa paglabas nito at dapat sagutin ng mga ito punto per punto kung paano sila nalusutan ni Alice Guo sa kabila ng mahigpit na tagubilin ng Senado para tutukan ito.
” Paano kung ang law enforcement mismo ang kelangan imbestigahan? What if they dropped the ball? Paano kung sila ang dapat managot. Nangako ang Bureau of Immigration sa akin at sa Senate President Pro Tempore na hindi nila hahayaang si Guo Hua Ping na makaalis sa PIlipinas, eh yun pala ay wala na talaga siya.”
“Dapat may gisahin dito. Niloloko tayo ng mga ahensiyang ito,” ani Hontiveros na hindi naitago ang galit at ngitngit sa pagkakapuslita ni Guo.
Ayon sa ulat, gamit ni Guo ang kanyang Philippine passport, kung saan ay nakalabas ito ng bansa noong Hulyo 18, 2024 papuntang Kuala Lumpur, Malaysia.
“Siya po ay pumasok ng 12:17:13 military time ng July 18, kayag ibig sabihin umalis siya ng Pilipinas sa gabi ng July 17, 2024,” paliwanag ni Hontiveros kung saan ay kinumpirma din niya na mismong ang National Bureau of Investigation ang nagbigay sa kanya ng lahat ng impormasyon na ito.
“Tumuloy si Alice Guo sa Singapore, kung saan ay nagtagpo tagpo sila ng kanyang magulang na si Lin Wen Yi, at Guo JianZhong. The couple flew in from China on July 28, 2024. Mistulang reunion sila doon kasama sina Wesley Guo at si Cassandra Ong,” ani Hontiveros.
Nagpahayag naman ng parehong paniniwala sina Sens. Raffy Tulfo at Grace Poe na posibleng isang private plane o jet ang ginamit ni Guo Hua Ping sa kanyang paglabas ng bansa at ito aniya ay dumaan sa gate na walang CCTV kasabwat ang ilang empleyado ng gobyerno.
“Dapat talaga may gisahin dito. Im very sure na ito ay nakalabas through a private plane,” ani Tulfo.
Para naman kay Sen.Poe kahit pa pribado o pampubliko ang gamit ni Guo, dapat lamang aniyang may detalye ang ating mga awtoridad kung sino ang mga nakalalabas ng bansa at ito aniya ay isang obligasyon na dapat nilang gawin.
“Hindi na capture and image niya? So saan dinaan ito?,” tanong ni Poe.
Nagpahayag naman ng paniniwala si Senate President Jose Jinggoy Estrada, na ang pagkakatakas ni Alice Guo ay maituturing na isang “fiasco”.