Calendar
VM Martinez nagbabala: Talavera FB page na-hack
TALAVERA, Nueva Ecija–Na-hack daw ang FB page ng bayang ito noong Biyernes, ayon kay Vice Mayor Nerivi Santos-Martinez.
Pinaalalahanan ng opisyal ang mahigit 76,000 followers at subscribers ng Talavera FB page na iwasang makisali at i-click ang mga link dahil mga sleazy na videos at litrato ang lumalabas.
“Pakiusap huwag po makipag-engage sa anumang pose o anumang link na lumalabas sa ating page sa ngayon dahil maaaring malaswang panoorin na hindi po para sa ating mga viewers,” dagdag ni Martinez.
Sinabi niya na nakipag-ugnayan na sila sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center ng Department of Information and Communications Technology para sa agarang tulong na matunton, madakip at mapanagot ang mga salarin.
Sinabi ni Martinez na ito ang unang pagkakataon na na-hack ang opisyal na FB page ng bayang ito.
Naganap ang pag-hack mga 10 araw bago ang opisyal na pagsisimula ng paghahain ng mga certificate of candidacy ng mga kakandidato para sa 2025 elections simula sa Oct. 1 hanggang 8.