Abdusakur Tan

Gov. Tan umaasang gaganda dev’t sa Sulu

76 Views

MASAYA at tanggap ni Sulu Gov. Abdusakur Tan ang desisyon kamakailan ng Korte Suprema na nag-aalis sa Sulu sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ito’ kahit pa hindi na siya papayagang makatakbo bilang Chief Minister ng BARMM.

Matatandaang sa desisyon ng Supreme Court, sinang-yunan nito ang validity ng BARMM organic law.

Bukod dito, inaalis na rin ang Sulu sa rehiyon at ibinalik na ito sa pamumuno ng national government.

Si Gov. Tan ay nag-anunsyo na kamakailan na tatakbong Chief Minister ng BARMM, pero dahil sa desisyon ng SC, pinagbabawalan na itong makatakbo sa halalan dahil siya ay tubong Sulu na hindi na sakop ngayon ng BARMM.

“Kahit hindi na ako pwede tumakbo bilang Chief Minister sa BARMM ay masayang masaya pa rin kami dahil pinaboran ng Supreme Court ang petisyon namin na dapat hindi kami kasali sa BARMM,” ayon kay Gov. Tan sa pahayag.

Si Tan ang namuno noon sa petition sa SC para tutulan ang pagsama ng Sulu sa BARMM.

“Ngayong hiwalay na kami (sa BARMM) ay umaasa kami sa national government na gaganda na ang development sa Sulu lalong lalo na ang health services,” dagdag ni Tan.

Umaasa rin si Tan na gaganda na rin ang kalidad ng edukasyon sa Sulu na matagal napabayaan simula nang mapasama sila sa BARMM tulad ng kakulangan ng mga guro at classroom.

“Kaya pasalamat kami at sa national na kami muli after 32 years sa kahirapan sa loob ng ARMM at BARMM,” paliwanag ni Gov. Tan.