Pax silica Source: PTV

Strategic opportunity nakita sa Pax Silica, safeguards hiniling ng mga senador

21 Views

SINABI ng mga senador na maaaring makatulong ang panukalang Pax Silica hub upang mapalawak ang papel ng Pilipinas sa higher-value manufacturing at artificial intelligence industries.

Humiling si Sen. Raffy Tulfo ng komprehensibo at multidisciplinary na pag-aaral sa planong development sa New Clark City, Tarlac.

Hindi lamang technical at economic prospects ang dapat suriin kundi pati ang environmental at social effects ng proyekto.

“We don’t want this to become Chuangxing part 2. And so, we want to take up during this hearing the concerns that are being raised against Pax Silica. We want to hear from our government agencies what actions are being taken to prevent the fear of the people,” sabi ni Tulfo.

Nauna nang nagpahayag ng pag-aalala si Tulfo kaugnay ng Chuangxing matapos gumuho ang isang gusali sa steel plant na ikinasawi ng mahigit 30 katao.

My only request is that we have a comprehensive, multidisciplinary study, covering not just the technical and economic aspects, but more importantly, the environmental and social impacts,” sabi ni Tulfo.

Ang multidisciplinary study ay pagsusuri sa isang proyekto gamit ang iba’t ibang larangan ng kaalaman sa halip na technical o economic aspect lamang.

Suportado niya ang economic progress at kinilala ang inilalarawan ng mga proponent na potensiyal ng Pax Silica na lumikha ng trabaho at makatulong sa digital transformation, ngunit sinabi niyang dapat may kaakibat itong environmental safeguards at pagsunod sa mga regulasyon.

Nagpahayag din ng suporta sa proyekto si Senate President Sherwin Gatchalian. “I personally support Pax Silica, but I also have a lot of conditions and caveats,” sabi ni Gatchalian.

Itinaas din ni Gatchalian ang pangangailangan ng proyekto sa tubig at kuryente at sinabi niyang hindi dapat mapaalis ang mga magsasaka at Indigenous Peoples.

Nanawagan din siya ng malinaw na technology transfer upang magkaroon ang mga Pilipino ng technical knowledge at skills mula sa mga industriyang papasok sa bansa.

Ayon kay Gatchalian, maaaring lumikha ang Pax Silica ng trabaho, makahikayat ng investment at makatulong sa paglipat ng Philippine industries tungo sa higher-value activities, ngunit iginiit niyang dapat makinabang dito ang mga Pilipino.

Iginiit ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na dapat malinaw na ipaliwanag ng gobyerno kung ano ang hinihingi ng Pax Silica sa Pilipinas at kung ano ang mapapala ng mga Pilipino kapalit nito.

Kailangan pang magbigay ng mas maraming impormasyon ang gobyerno dahil marami pang tanong ang publiko, ayon kay Pangilinan.

“Right now, I think, medyo yung information drive ng gobyerno ay kulang dahil marami ang agam agam ang ating mga kababayan dito. Kinakailangan ng complete and clear na mga sagot,” sabi niya.

Humingi rin si Pangilinan ng malinaw na mga sagot tungkol sa tubig, enerhiya, trabaho, local processing ng minerals at technology transfer.

Itinaas din ni Pangilinan ang pangangailangan ng safeguards para sa soberanya ng Pilipinas, likas-yaman, mga magsasaka, Indigenous Peoples at karapatan ng mga komunidad.

Habang kinikilala ang posibleng investment opportunity, sinabi ni Pangilinan na kailangang busisiin ang mga ipinapangakong benepisyo ng proyekto.

“Magaganda ang mga oportunidad na sinasabi, mga pangako, kaya dapat nga busisiin itong mga pangako na ito na hindi mauwi ika nga sa pako,” sabi niya.

Nanawagan din si Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ng higit na transparency at konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan at komunidad na maaaring maapektuhan ng proyekto.

Itinulak ni Sen. Risa Hontiveros ang masusing pagsusuri kung makalilikha ang Pax Silica ng disenteng trabaho, makapagpapalakas ng lokal na industriya at makapagpoprotekta sa mga komunidad, kapaligiran, digital security at pambansang soberanya.

Samantala, inilalarawan ng BCDA ang Pax Silica bilang pagkakataon upang palakasin ang papel ng Pilipinas sa advanced manufacturing sa halip na manatiling pangunahing exporter ng raw minerals.

Inilarawan ni BCDA President and CEO Joshua Bingcang ang planong development bilang manufacturing-focused hub para sa semiconductors, AI-related industries at pagproseso ng critical minerals tungo sa higher-value products.

Ayon sa BCDA, humigit-kumulang 1,620 ektarya sa New Clark City ang planong saklaw ng development.

Tinataya ng BCDA na maaaring makalikha ang proyekto ng mahigit 130,000 trabaho at makahikayat ng US$40 bilyon hanggang US$70 bilyong investment kapag ganap nang nadevelop. Mga projection ng BCDA ang mga bilang na ito at hindi pa tiyak na magiging aktuwal na resulta.

Inuuna ng BCDA ang manufacturing kaysa data centers dahil inaasahan nitong mas maraming trabaho ang malilikha sa manufacturing. Ayon sa kanya, isa o dalawa lamang sa mahigit 30 interesadong kumpanya ang data-center operators.

Sa usapin ng tubig, sinabi ng BCDA na nagmumungkahi ito ng surface-water harvesting system na mag-iipon ng tubig-ulan sa halip na pangunahing umasa sa groundwater.