Calendar
KAMARA INAPRUBAHAN ANG PANUKALA VS BULLYING
INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong ideklara ang Setyembre ng bawat taon bilang National Bullying Awareness and Prevention Month.
Ang House Bill No. 10134 o ang panukalang “National Bullying Awareness and Prevention Month Act” ay nakakuha ng unanimous approval noong Martes, matapos bumoto ng 245 pabor, walang tutol at walang abstention.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, mahalagang maprotektahan ang mga bata hindi lamang laban sa bullying kundi matiyak ding ligtas ang mga paaralan at komunidad kung saan sila natututo at lumalaki.
“Walang batang dapat matakot pumasok sa eskwela dahil sa pang-aapi, pananakot, o anumang uri ng bullying,” pahayag ni Speaker Dy.
Binigyang-diin ng Speaker na hindi dapat ituring na normal na bahagi ng paglaki ang bullying dahil maaari itong mag-iwan ng malalim na sugat sa isang bata na maaaring dalhin nito sa loob ng maraming taon.
Sa ilalim ng panukala, gagawing “National Bullying Awareness and Prevention Month” ang Setyembre upang palakasin ang kamalayan ng publiko tungkol sa pag-iwas sa bullying at higit na maprotektahan ang mga bata at kabataan laban sa pang-aabuso, kalupitan, pagsasamantala at iba pang mapanganib na sitwasyon.
Inaatasan ng panukala ang Department of Education (DepEd) katuwang ang National Youth Commission (NYC) at Council for the Welfare of Children (CWC) na bumuo at magsagawa taun-taon ng mga programa at aktibidad para sa paggunita ng nasabing buwan.
Pangungunahan din ng DepEd ang mga information campaign tungkol sa pag-iwas sa bullying at iba pang uri ng pang-aabuso, kalupitan at pagsasamantala sa mga bata sa lahat ng pampubliko at pribadong elementarya at high school sa buong bansa.
Makikipagtulungan naman ang Philippine Information Agency (PIA) sa DepEd, NYC at CWC upang matiyak ang malawakang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa batas at mga layunin nito.
Hinihikayat din ang mga local government unit, pribadong organisasyon, civil society groups, non-government organizations at people’s organizations na makilahok sa mga aktibidad.
Ayon kay Speaker Dy, nagbago na rin ang anyo ng bullying dahil sa teknolohiya. Hindi na lamang ito nangyayari sa loob ng classroom, playground o school premises kundi maaari na ring mangyari sa social media at iba pang digital platforms.
“Hindi natatapos ang bullying sa pag-uwi ng bata. Sa panahon ng social media, maaari itong sumunod sa kanila hanggang sa kanilang tahanan,” wika pa ni Speaker Dy.
Dahil dito, sinabi ng Speaker na mas kinakailangan ang maagang pagkilos at sapat na kaalaman upang maprotektahan ang mga bata laban sa harassment, kabilang na ang mga nangyayari online.
Binigyang-diin din ni Speaker Dy na ang paglaban sa bullying ay hindi lamang responsibilidad ng mga paaralan kundi ng mga guro, magulang, pamahalaan, komunidad at mismong kabataan.
“Ang laban kontra bullying ay responsibilidad nating lahat,” sabi ni Speaker Dy, habang hinikayat ang mga kabataan na hindi lamang ipaglaban ang kanilang sarili kundi tumulong din sa mga batang natatakot magsalita.
Sa ilalim ng panukala, layunin ding maisulong ang ligtas na learning environment at pantay na access sa de-kalidad na edukasyon para sa lahat ng mga bata.
Ayon kay Dy, nais ng tinatawag na “Bagong Kongreso” na maramdaman ng bawat bata na may nakikinig, handang tumulong at may pamahalaang nagpoprotekta sa kanilang kapakanan.
“Kapag ligtas ang ating mga anak, malaya silang matuto, mangarap at maging pinakamahusay na bersyon ng kanilang sarili,” dagdag pa ng Speaker.
To God be the Glory
