Batas Source: FB

Batas para sa BHWs may suporta sa Senado

54 Views

NAGKAKAISA ang mga senador sa pangunguna ni Sen. Loren Legarda sa pagsuporta sa Senate Bill No. 2838, na kilala bilang Magna Carta para sa Barangay Health Workers (BHWs).

Ang naturang panukalang batas naglalayong maisabatas ang mga karapatan, kapakanan at katayuan ng mga barangay health workers (BHWs).

Kasama sa mga senador na nagpakita ng suporta sa panukalang batas sina Sens. Risa Hontiveros, Ronald “Bato” Dela Rosa at Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino.

Tinawag ni Legarda ang mga BHWs na “unsung heroes” ng public health system, lalo na tuwing may mga public health emergencies tulad ng COVID-19 pandemic.

“BHWs have long been the unsung heroes of our public health system. They are at the forefront of primary healthcare delivery in our barangays, further magnified during the pandemic and other public health crises faced by our nation,” pahayag ni Legarda.

iminungkahi ni Legarda ang paglikha ng isang National BHW Information System upang mapadali ang mas maayos na koordinasyon at mapahusay ang paghahatid ng serbisyo sa kalusugan sa lahat ng antas ng pamahalaan.

Muling pinagtibay ni Legarda ang kanyang matagal nang adbokasiya para sa pagpapabuti ng healthcare sa Pilipinas at ang pagsuporta sa universal healthcare, na iniuugnay ang panukalang batas sa mas malawak na layunin ng pagkakaroon ng accessible na healthcare para sa lahat ng Pilipino.

Binigyang-diin din ni Sen. Hontiveros ang kahalagahan ng mga BHWs sa pagtamo ng layunin ng Universal Health Care at inemphasize ang kahalagahan ng competency-based training programs para sa mga BHWs.

Binibigyang-diin ni Hontiveros ang kanyang hangaring makita ang pagkilala sa mga BHWs bilang kapantay ng mga public health workers sa mga karapatan at benepisyo.

Sinabi naman ni Dela Rosa na ang mga BHWs, kahit boluntaryo, madalas na nasasangkot sa mga aktibidad na politikal habang ipinunto niya ang hindi patas na pagtrato sa maraming BHWs.

“Sila po ang nagbabahay-bahay para makapagbigay ng vaccines, vitamins, at makapagturo ng mga edukasyong pangkalusugan,” sabi ni Dela Rosa.

Si Senate Majority Leader Tolentino pinahalagahan ang hindi matatawarang papel ng mga BHWs sa sistema ng kalusugan ng bansa, lalo na sa panahon ng mga emergency at sa mga liblib na komunidad.

“BHWs are trained to provide basic health services, such as monitoring vital signs, administering first aid, and assisting in basic health treatments,” aniya.

Binanggit din ni Dela Rosa ang kanilang trabaho sa pag-iwas sa mga sakit, pangangalaga sa mga ina, at ang kanilang papel sa panahon ng mga natural na sakuna.

Iminungkahi ni Tolentino ang isang amendment sa panukala na magbibigay ng civil service eligibility sa mga BHWs, na higit pang mag-aangat sa kanilang katayuan at magpapaprofesyonal sa kanilang trabaho.

Sa Magna Carta, layunin ng panukalang batas na magbigay ng kinakailangang proteksyong legal, pinansyal na kompensasyon at mga benepisyong panlipunan, pati na rin ang pagkilala sa kanilang papel sa pagpapanatili ng imprastraktura ng kalusugan ng bansa.

Ang agarang pagpasa ng Senate Bill No. 2838 magmamarka ng isang kritikal na hakbang upang matiyak na ang Barangay Health Workers makatatanggap ng suportang nararapat sa kanila.