Gas

5 arestado sa holdap sa mga gasolinahan

Edd Reyes Sep 30, 2024
9 Views

LIMANG pinaghihinalaang tirador ng mga gasolinahan ang isa-isang natiklo ng mga pulis matapos ang magkakasunod na panghoholdap sa mga gas stations sa Caloocan at Valenzuela.

Iniharap ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban kina Mayor Wes Gatchalian, National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. at Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas ang limang holdaper na isa-isang nadakip sa Navotas at Bulacan matapos silang kilalanin ng mga nabiktima.

Sa ulat ni Col. Cayaban, unang hinoldap ng mga suspek na armado ng baril ang Nation Gas Station sa Rizal Avenue Ext., Brgy. 48 sa Caloocan noong Setyembre 22.

Natangay ng mga tirador ang P10,000 cash at cellular phone ng kahero.

Dakong alas-3:35 ng madaling araw noong Setyembre 25 nang makatangay sila ng P2,000 sa hinoldap nilang Shell Gas Station sa C-3 Dalagang Bukid, Kaunlaran Village, Brgy. 14 sa Caloocan.

Nitong Linggo ng alas-3:10 ng madaling araw noong Setyembre 29, hinoldap nila ang Phoenix Gas Station sa M.H. Del Pilar, Brgy. Malanday, Valenzuela na dahilan upang tugisin sila nina Col. Cayaban na nagresulta sa kanilang isa-isang pagkakadakip.

Nakuha sa mga suspek ang gray Suzuki Van na ginagamit sa panghoholdap at isang kalibre .38 revolver.