Calendar
Kamara pinagtitibay panawagang matiyak na makarating sa mga magsasaka,mangingisda P6.2B ayuda vs El Niño
NANANAWAGAN ang Kamara de Representantes sa mga ahensya ng pamahalaan na tiyaking direktang makararating sa mga apektadong magsasaka at mangingisda ang nakalaang ₱6.2 bilyong tulong pinansyal ng gobyerno sa gitna ng patuloy na paglala ng tagtuyot na nagbabanta sa produksyon ng agrikultura at seguridad sa pagkain ng bansa.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, sinuri ng komite ang kahandaan ng pamahalaan, pondo at mga hakbang upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda laban sa epekto ng El Niño.
Isinagawa ang pagdinig alinsunod sa House Resolution No. 967 na inihain ni Sultan Kudarat Rep. Bella Vanessa Suansing.
Matatandaang nagsagawa rin ng paunang briefing ang komite noong Hunyo, kung saan inilahad ng Department of Agriculture (DA) at Task Force El Niño ang mga paghahanda at programang ipatutupad ng pamahalaan upang tugunan ang epekto ng naturang weather phenomenon.
Ayon kay Enverga, ipinagpatuloy ang imbestigasyon alinsunod sa personal na direktiba ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III upang matiyak na maayos, malinaw at direktang napakikinabangan ng mga apektadong komunidad ang pondong inilaan ng pamahalaan.
“Ipinapaalala ko na isinasagawa ang pagdinig na ito alinsunod sa personal na direktiba ni Speaker Faustino ‘Bojie’ Dy III upang matiyak na ang mga nakalaang pondo ng bayan at badyet para sa ayuda ay lubos, malinaw at direktang naipatutupad para sa ating mga lubhang apektadong benepisyaryo,” ayon sa pahayag ni Enverga.
Pangunahing layunin ng komite na matukoy kung ang unang ₱6.2 bilyong pondong inilabas sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) program ay aktuwal na nakararating sa mahigit 310,000 target na maliliit na magsasaka at mangingisda.
Saklaw ng naturang tulong ang subsidiya sa gasolina, pataba at iba pang direktang ayuda.
Binigyang-diin ni Enverga na kailangang matiyak kung ang pondong ipinamahagi sa mga rehiyong matinding naapektuhan ng tagtuyot ay talagang natatanggap ng mga nararapat na benepisyaryo.
Sinusuri rin ng komite ang kakulangan sa pondong nagkakahalaga ng ₱371 milyon para sa mahahalagang hakbang laban sa El Niño, kabilang ang espesyal na cloud seeding operations at mga programang tutugon sa mga peste na nagbabanta sa produksyon ng tubo.
Kaugnay nito, sinabi ni Enverga na dapat magbunga ng kongkretong resulta para sa mga komunidad sa sektor ng agrikultura ang panukalang ₱61.99-bilyong pinagsama-samang action plan ng DA.
Ayon sa kongresista, tungkulin ng Kongreso na matiyak na ang mga plano ng pamahalaan ay nagiging tunay na proteksiyon at tulong para sa mga mamamayan.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, malinaw na pamamahagi ng ayuda at agarang pagtugon sa mga kakulangan sa pondo.
“Hindi na kayang maghintay ang ating mga magsasaka at mangingisda. Hinihingi natin sa lahat ng ahensyang dumalo ngayon ang mga tiyak at tapat na kasagutan upang agad tayong makapaghatid ng mabilis at nakatutok na tulong sa ating sektor ng agrikultura,” ani Enverga.
Samantala, iginiit ni Suansing ang pangangailangan ng mas malawak na paghahanda ng pamahalaan.
Ayon kay Suansing, mahalagang pagkakataon ang naturang pagdinig upang malaman kung ano na ang mga nagawa ng mga ahensya ng gobyerno mula noong briefing noong Hunyo at kung anu-ano pa ang kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang mga magsasaka, mangingisda at mga mamimili.
Sinabi rin niya na hindi lamang agrikultura ang dapat pagtuunan ng pansin dahil maaari ring maapektuhan ng El Niño ang suplay ng tubig, enerhiya, kalusugan, kabuhayan at mga programang panlipunang proteksiyon.
Humingi rin si Suansing ng update sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12287 o ang Declaration of State of Imminent Disaster Act partikular kung nagresulta na ba ang mga deklarasyon ng kalamidad sa pagpapalabas ng pondo para sa mga hakbang na naglalayong maiwasan ang mas malalang epekto ng sakuna.
Hinimok din niya ang DA na palawakin ang paggamit ng mga teknolohiyang angkop sa pagtatanim sa panahon ng tagtuyot, kabilang ang mga pananim na matibay sa kakulangan ng tubig, gayundin ang pagbibigay ng alternatibong pagkakakitaan sa mga magsasaka, lalo na sa mga nagtatanim ng palay.
Umaasa si Suansing na maipapaliwanag ng DA ang mga naging hakbang nito mula noong Hunyo, gayundin ang mga susunod pang programa upang mabigyan ng alternatibong mapagkukunan ng kita ang mga magsasaka at mangingisda.
Nagbabala rin ang mambabatas na maaaring magdulot ang matagal na tagtuyot ng hidwaan sa pagitan ng mga komunidad na nag-uunahan sa limitadong suplay ng tubig at matabang lupang sakahan.
Binigyang-diin niya na kailangang palawakin ang paghahanda ng pamahalaan at isaalang-alang ang pangmatagalang epekto ng climate change.
Ayon kay Suansing, ang paghahanda at pagtugon sa El Niño at climate change ay hindi lamang usapin ng industriya kundi usapin din ng seguridad ng mamamayan at ng buong bansa.
Dumalo sa pagdinig ang mga kinatawan mula sa Department of Agriculture (DA), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Department of Science and Technology (DOST), Department of Environment and Natural Resources (DENR), National Irrigation Administration (NIA), iba pang ahensya ng pamahalaan at mga pribadong grupo mula sa sektor ng agrikultura.
ayunin ng pagdinig na matiyak na magiging maagap at epektibo ang pagtugon ng pamahalaan sa epekto ng El Niño upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda at mapanatili ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa.
