Calendar
Nagbigay ng pahayag si Police Major Joel Aquino kaugnay sa trahedya ng anim na taong gulang na paslit na nasawi matapos magulungan ng SUV sa Port Area, Manila. JONJON C. REYES
6-ANYOS NAGULUNGAN NG SUV SA PORT AREA, DEDO






ISANG ina ang humihingi ng hustisya sa pagkamatay ng kanyang anim na taong gulang na anak na babae na nagulungan ng isang SUV sa Port Area, Manila, Biyernes ng madaling araw.
Ang trahedya ay naganap 12:05 ng madaling araw sa 2nd Street corner 8th Street, Baseco, sa Bgy. 649.
Nakilala ang ina ng biktima na si Sifica, 25, tindera, residente ng Block 9 Newsite Baseco.
Ayon sa imbestigasyon, naglalaro ang bata nang magulungan ng SUV na minamaneho ang isang 41-anyos na residente ng B9 Extension sa Baseco.
Ayon sa ina ng bata, umalis siya sandali para bumili ng pagkain dahil nagutom ang kanyang anak.
Pagbalik ng ina ay nalaman niyang isinugod ang kanyang anak ng lola nito sa ospital.
Sa kuha ng CCTV noong gabi ng )ctober 30, makikitang naglalaro ang biktima sa gilid ng kalsada kung saan malapit ang pakurba ang daan.
Kumabig at lumiko ang driver na lulan ng itim na SUV mula sa kinaroroonan ng biktima at nagulungan ang paslit. Nagulungan muli ang biktima ng gulong sa likod ng SUV.
Naiwang nakahandusay sa kalye ang bata.
Ayon kay Police Major Joel Aquino, hepe ng VTIS-MDTEU, isang concerned citizen na nagmamaneho ng motorcycle ang humabol sa sasakyan at naabutan ito.
Agad na inireport ang aksidente sa pulisya kung kaya’t nahuli ng mga tauhan ng Baseco Police Station 13 sa ilalim ni Police Lieutenant Colonel Rommel S. Anicete ang 41-anyos na driver ng SUV habang papalabas ng Baseco.
Ayon naman sa pahayag ng driver ng SUV, inakala niyang “humps” ang kanyang nagulungan at hindi rin umano niya tinakbuhan ang bata.
“Sa totoo lang, ingat na ingat ako sa sasakyan ko. Ultimo maliit na bato, ultimo basura, iniiwasan ko, tao pa kaya. Wala po ako nakitang bata,” ani ng driver.
“Wala kaming naramdaman o napansin na kahit ano kaya walang reaction na huminto kami o bumilis kami. Hindi ako kriminal sa kaso na ito, wala akong intensyon na talikuran sila at wala akong intensyon doon sa nangyari,” dagdag ng driver.
Ang biktima ay idineklarang dead on arrival sa ospital at nakaburol na sa Norsagaray Bulacan.
Nakakulong na ang drayber sa himpilan ng MDTEU at nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.
