Bebot utas sa magnanakaw

9 Views

PATAY ang babae na sinaksak ng isa umanong kawatan na nahuli niyang pumapasok sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City noong Linggo.

Naisugod pa sa General Hospital ang biktimang si Elsa Dequito Aquino, 47, subalit idineklara na itong dead-on-arrival. Naaresto ang suspek na si Eric Perido Herrera, 30.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-11:40 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahay ng biktima sa Brgy. Sangandaan, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Erwin Jay Mendez, dumating sa kanilang bahay ang anak ng biktima na si JP at naaktuhan nitong pumasok ang suspek sa kanilang bahay sa pamamagitan ng paggapang sa ilalim ng gate.

Ilang sandali pa, narinig ni JP ang kanyang ina na sumigaw ng “may magnanakaw.” Doon na pumasok sa kanilang bahay si JP at nakita niyang nasaksak na ng suspek ang kanyang ina.

Sinubukan pang tumakas ng suspek ngunit napigilan ito ng mga saksi hanggang sa mahuli ito ng mga barangay tanod.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa laban sa suspek.