Sotto

Sotto nais ng patakaran sa mga senador na matagal nang absent nang walang pahintulot

14 Views

NAIS ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III na magtakda ang Senado ng malinaw na patakaran para sa mga senador na matagal nang hindi pumapasok nang walang pahintulot.

Sa Senate Resolution No. 751 na inihain noong Oktubre 27, hiniling ni Sotto na atasan ang Senate Committee on Rules na pag-aralan ang usapin at gawing pormal ang paraan ng pagtugon dito. Ang komiteng ito ang humahawak sa mga alituntunin at takbo ng sesyon ng Senado.

Ayon sa resolusyon, naging usapin na ng publiko ang matagal na pagliban at pagpapabaya sa tungkulin. May mga reklamo na rin laban sa ilang senador na nakahain sa Senate Committee on Ethics.

Ipinunto ni Sotto na walang malinaw na probisyon sa kasalukuyang patakaran ng Senado para sa mga miyembrong matagal nang absent nang walang pahintulot. Maaari raw itong makaapekto sa kanilang pakikilahok sa mahahalagang gawaing pambatasan.

Kasama sa ipinapagawa sa komite ang pagrepaso sa umiiral na mga patakaran at ang paghahanap ng posibleng paraan para matugunan ang problema.

Binanggit din sa resolusyon ang prinsipyo ng Saligang Batas na ang katungkulang pampubliko ay isang pagtitiwala ng bayan. Dahil buwis ng mamamayan ang nagpapasahod sa mga senador, tungkulin nilang gampanan nang masigasig ang trabaho at katawanin ang interes ng kanilang mga nasasakupan, ayon kay Sotto.

Kailangan pang pagtibayin ng Senado ang resolusyon bago maatasan ang Committee on Rules.