Aquino

Aquino handang tumulong sa supplier ng ASEAN souvenirs

27 Views

NAG-ALOK ng tulong si Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino sa Amianan PH, ang lokal na supplier ng handcrafted souvenirs na umano’y matagal na hindi binayaran ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Energy (DOE) para sa mga order na may kinalaman sa ASEAN.

Sa pahayag nitong Martes, Nobyembre 3, sinabi ni Aquino na tumugon na ang CHED at DOE sa mga reklamo ng supplier.

“Mahalaga sa atin na marinig at matulungan ang ating maliliit na negosyante at online sellers,” ani Aquino, chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.

“Malaking bagay ang ganitong pagtutulungan para patuloy na lumago ang mga maliliit na negosyo at makalikha ng mas maraming trabaho para sa ating mga kababayan,” dagdag niya.

Gumagawa ang Amianan PH ng mga regalong gawa ng mga artisan mula sa Northern Philippines.

Noong Oktubre 29, inireklamo umano ng supplier sa social media na siyam na buwan nang hindi nababayaran ng CHED Regional Office IV ang bill nito, habang mahigit isang buwan na ring nakabinbin ang bayad ng DOE. Wala rin daw ibinigay na downpayment ang dalawang ahensiya.

Kinabukasan, iniulat umano ng DOE na naibigay na nito ang tseke sa supplier. Iginiit ng ahensiya na pasok ang bayad sa 30 working days na nakasaad sa kanilang kasunduan.

Ayon naman umano sa Amianan PH, naideliver nito ang order noong Oktubre 4 matapos sabihang mapapabilis ang bayad sa loob ng 15 araw. Ginamit umano ang mga gift set sa ASEAN Ministers on Energy Meeting sa Pasay City noong Oktubre 5 hanggang 9.

Nangako naman umano si CHED Chairperson Shirley Agrupis na personal niyang babantayan ang pagsusuri sa transaksiyon, na isang small-value procurement ng regional office.

Wala pang inilalabas na resulta ang CHED, at hindi pa rin umano nito kinukumpirma kung nabayaran na ang supplier.