Enverga

DA umamin na mali sa coordinates mula sa NEP

Mar Rodriguez Nov 4, 2026
27 Views

INAMIN ng Department of Agriculture (DA) na nagmula na sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng sangay ehekutibo ang mga pagkakamali sa coordinates ng walong proyekto ng Farm-to-Market Road (FMR), at hindi ito resulta ng mga pagbabagong ginawa ng House of Representatives sa panahon ng deliberasyon sa panukalang badyet.

Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food (Nobyembre 4, 2026), nilinaw ni DA Assistant Secretary for Operations U-Nichols A. Manalo na kasama na sa orihinal na NEP ang lahat ng 1,669 na proyektong FMR na tinatalakay, kabilang ang walong proyektong may maling coordinates.

Dahil dito, malinaw na ang mga pagkakamali sa lokasyon ng naturang mga proyekto ay nasa orihinal nang panukalang badyet na isinumite ng ehekutibo sa Kongreso at hindi nagmula sa mga amyenda ng Kamara.

Aminado si Manalo na seryosong usapin para sa kagawaran ang naturang pagkakamali dahil posibleng hindi na maisakatuparan ang walong proyekto bunsod ng maling coordinates ng mga ito.

Ayon sa DA, natukoy na ang mga pagkakamali ay nagmula sa maling pag-encode at geotagging ng impormasyon.

Sa gitna nito, pinaalalahanan ni Camarines Sur 4th District Rep. Arnie Fuentebella ang mga opisyal ng DA na hindi pa tapos ang proseso ng pagtalakay at pag-apruba sa pambansang badyet, kaya mayroon pang pagkakataong maitama ang mga pagkakamali.

“Hindi pa naman tapos ang budget deliberation. May Senate pa, may bicam pa, at subject to review by the President,” ani Fuentebella.

Dagdag pa niya, maaari pang itama ng kagawaran ang mga naturang pagkukulang bago tuluyang maaprubahan ang pambansang badyet.

Malugod ding tinanggap ni Fuentebella ang pag-amin ng DA sa pagkakaroon ng pagkakamali at pinuri ang kagawaran sa pagiging bukas nito sa pananagutan.

Samantala, humingi naman ng paliwanag si House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon 1st District Rep. Wilfrido Mark Enverga sa mga opisyal ng DA hinggil sa mga nakitang pagkakaiba sa impormasyon ng mga proyekto.

Ginawa ito bago ipagpatuloy ng komite ang pagtalakay sa kahandaan ng sektor ng agrikultura sa posibleng epekto ng El Niño, alinsunod sa House Resolution No. 967.

Ayon kay Manalo, unang naiparating ang mga iregularidad ng mga civil society organizations (CSOs) sa panahon ng deliberasyon sa Senado hinggil sa panukalang 2027 budget ng DA.

Matapos ang pagdinig sa Senado, nakipagpulong ang kagawaran sa mga kinatawan ng People’s Budget Coalition upang suriin ang mga proyektong kinuwestiyon.

Tinukoy rin ni Manalo ang pahayag ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. noong Nobyembre 3, kung saan inako ng kagawaran ang responsibilidad na itama ang mga maling impormasyon sa mga proyektong nagmula mismo sa kanilang ahensya.

Batay sa isinagawang pagsusuri ng DA kasama ang mga kinatawan ng civil society, natuklasang ang maling coordinates ay bunga ng pagkakamali sa pag-encode, partikular sa pagkakapalit o pagkakamali ng isa o dalawang digit sa mga numero.

Dahil dito, iniutos ni Tiu Laurel ang patuloy na internal review sa mga paglalarawan ng proyekto, mga kaugnay na dokumento at proseso ng beripikasyon upang matukoy kung paano nangyari ang mga pagkakamali at maiwasan ang pag-ulit ng mga ito.

Nangako rin ang DA na palalakasin ang sistema ng geotagging at validation ng mga proyekto sa pamamagitan ng masusing cross-checking, pagsusuri ng mga independent third party at pakikilahok ng publiko sa pamamagitan ng FMR Watch portal.

Samantala, ikinatuwa ni Enverga ang pag-amin ng DA sa mga pagkukulang at nanawagan ng patuloy na pagsusuri at pagpapatupad ng mga reporma upang matiyak na tama, malinaw at mapatutunayan ang lahat ng impormasyong isinusumite ng mga ahensya ng pamahalaan sa Kongreso.

Binigyang-diin sa pagdinig ang kahalagahan ng pananagutan at maayos na beripikasyon sa mga proyektong pinopondohan ng pamahalaan upang matiyak na ang mga ito ay naipatutupad sa tamang lugar at tunay na napakikinabangan ng mga mammamamayan.