Salvador Ipinakikita ni San Jose City Mayor Mario “Kokoy” Salvador ang kanyang certificate of candidacy para sa pagka-kongresista ng Nueva Ecija second district.

Mayor Kokoy nag-file ng COC sa pagka-kongresista sa Ecija

Steve A. Gosuico Oct 3, 2024
66 Views

CABANATUAN CITY–Nag-file ng certificate of candidacy si San Jose City Mayor Mario “Kokoy” Salvador para lumaban sa pagka-kongresista sa ikalawang distrito ng lalawigan.

Patapos na sa susunod na taon para sa kanyang termino bilang alkalde, Sinabi ni Salvador na lalaban siya bilang kongresista dahil gusto niyang magdala ng pagbabago.

“Maraming kulang sa distrito. Nakita n’yo naman kung ano ang ating ginawa sa San Jose City sa aking termino at iyun ang pwede nating gawin sa distrito dos,” sabi ng pulitiko.

“Nais kong ilapit ang Kongreso sa taumbayan kaya plano kong magpatayo ng headquarters sa bawat bayan sa distrito upang mailapit ang tunay na serbisyo publiko sa mamamayan at ilalaan ko sa kanila ang isang araw para sa bawat bayan,” dagdag pa niya.

Nag-file din ng CoC si Joseph “Wowowee” Ortiz para sa pagka-board member sa second district.

Isa pang pulitiko, si Ferdinand “Dindo” Dysico, ang nag-file din ng CoC.

Pagkatapos mag-file, pumirma sa kasunduan ang tatlo para tiyakin na “clean, honest at peaceful” ang 2025 midterm elections sa kanilang lugar.