Free wifi

Mas malawak na libreng wifi program hinihiling

60 Views

NAIS ni Sen. Win Gatchalian na magkaroon ng mas epektibong pagpapatupad ng libreng wireless fidelity (wi-fi) program ang gobyerno upang matiyak ang internet connectivity sa lahat ng pampublikong lugar, kabilang na ang mga pampublikong paaralan.

Tinanong ni Gatchalian ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ukol sa kalagayan ng pagpapatupad ng programa noong nagdaang budget briefing ng kagawaran at attached agencies nito.

Ang unang target ng DICT maglagay ng libreng wi-fi sa 125,000 pampublikong lugar.

Sa kasalukuyan, ang libreng wi-fi program sumasaklaw lamang sa 6,700 pampublikong lugar na may tinatayang 13,000 access points.

Ayon kay DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy, ang pagpapalawak ng libreng wi-fi program sa 125,000 pampublikong lugar sa pamamagitan ng subscription maaaring hindi sustainable dahil mangangailangan ito ng P58 bilyong pondo kada taon.

Ipinaliwanag ng opisyal na pinag-aaralan nila ngayon ang iba pang paraan upang maging cost-efficient ang pagpapatupad ng libreng wi-fi program.

Tinitignan ng kagawaran ang posibleng kolaborasyon sa mga kumpanya ng telekomunikasyon sa pagtukoy ng mga lugar na pagtatayuan ng cell sites, lalo na sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs).

Sasagutin ng gobyerno ang mga pagkalugi ng mga kumpanya sa pamamagitan ng pagsagot sa subscription fees, na makakatulong sa mga kumpanyang ito na mabawi ang kanilang mga gastos.

Halimbawa, maaaring mamahagi ang gobyerno ng mga SIM card at sagutin ang cellphone load sa loob ng hanggang dalawang taon upang matiyak ang subscription.

Sa ganitong paraan, mapapabuti ang internet penetration sa buong bansa lalo na’t kailangan pang magtayo ng 60,000 cell sites sa buong Pilipinas.

Tinataya ng DICT na P5 bilyon ang kakailanganin upang maipatupad ang unang yugto ng kanilang planong libreng wi-fi na sasaklaw rin sa mga pampublikong paaralan at 300 na barangay sa GIDAs.

Ang budgetary requirement na ito hindi nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) na naisumite na sa Kongreso bago pa magsimula ang mga negosasyon.

Tiniyak ni Gatchalian sa DICT na susuportahan niya ang proposal ng ahensya ngunit humiling ng karagdagang detalye, kabilang na ang mga timeline at target.

“Siyempre, gusto nating makatulong sa pagpapalawak ng libreng wi-fi program.

Bilang chairman ng Basic Education Committee, isa sa mga pinupursige ng komite at ni DepEd Secretary Sonny Angara ang education technology o ed tech.

Alam naman natin na ang isang mahalagang bahagi ng edtech ay connectivity,” sabi ni Gatchalian.