Calendar
BANGKAY NG DALAGA, ITINAPON SA BAKANTENG LOTE SA MINDORO!
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro — Nabalot ng kilabot ang mga residente ng Barangay Sapul matapos madiskubre ang bangkay ng hindi pa nakikilalang babae sa bakanteng lote sa gilid ng kalsada, madaling araw nitong Sabado.
Nabatid na humigit-kumulang 1:15 ng madaling araw nang makatanggap ng tip ang mga awtoridad, dahilan upang mabilis na sumugod sa lugar ang mga tauhan ng Calapan City Police Station (CPS) Sub-Station ng Brgy. Sta. Isabel.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay tinatayang nasa 20 hanggang 30 taong gulang.
Agad humingi ng saklolo ang Calapan CPS sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para magsagawa ng masusing pagsusuri at post-mortem examination sa labi ng biktima upang malaman ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Kasalukuyang blanko pa ang mga imbestigador sa pagkakakilanlan ng dalaga pati na rin sa motif ng krimen, ngunit patuloy ang kanilang paghahanap ng mga ebidensya at CCTV footage sa paligid para matukoy ang nakalilitong insidente.
Tiniyak ng Calapan CPS sa publiko na hindi nila tatantanan ang kasong ito at gagawin ang lahat upang mabigyang-hustisya ang biktima.
Kasabay nito, nanawagan ang pulisya sa sinumang may impormasyon o nakakita sa kaganapan na makipag-ugnayan agad sa kanila, at pinalalalahanan ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng tsismis o maling balita na makakasira sa imbestigasyon.

