Nigerian

Nigerian na wanted sa US sa cybercrime naaresto ng BI

Jun I Legaspi Oct 28, 2024
36 Views

KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) na inaresto nila ang isang Nigerian na wanted sa US dahil sa mga cybercrimes.

Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na si Ahmed Kamilu Alex, 35 taong gulang, naaresto noong Oktubre 11 sa Panay Avenue, Bgy. Paligsahan, Quezon City ng mga operatiba mula sa fugitive search unit ng BI.

Naaresto ang Nigerian batay sa isang mission order upang kaharapin nito ang paglilitis para sa kanyang mga krimen.

Si Alex nasa wanted list ng BI mula pa noong Agosto 2024 makaraan siyang ilagay sa immigration blacklist dahil sa pagiging isang fugitive mula sa batas.

Inakusahan ng mga awtoridad ng US na nakipagsabwatan si Alex sa dalawa pang kasabwat upang isagawa ang isang cyber fraud scheme sa pamamagitan ng paggawa ng pekeng mga website na ginaya ang mga lehitimong ahensya ng gobyerno ng US noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Sa pamamagitan ng mga pekeng website, naka-kolekta umano ang mga suspek mula sa mga biktima sa pagitan ng $500 hanggang $48,500 bilang bayad para sa pagpoproseso ng kanilang mga emergency leave request.