Calendar
DA binawi na pagbawal sa pag-import ng manok
BINAWI na ng Department of Agriculture (DA) ang ban sa pagi-import ng mga domestic at wild bird at mga by-products nito mula sa Michigan, USA.
Sa memorandum order no. 47, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. na binawi ang import ban matapos iulat ng US veterinary authorities sa World Organisation for Animal Health na nalutas na ang mga kaso ng high pathogenicity avian influenza sa Michigan.
Wala ng bagong naiulat na kaso ng avian influenza simula noong Hulyo 12, 2024.
Noong Hunyo, iniutos ng DA ang temporary import ban sa mga domestic at wild birds at mga produkto nito tulad ng poultry meat, day-old chicks, itlog at semilya matapos makatanggap ng ulat na avian flu outbreak sa Michigan.
Ipinatupad ang import ban upang maprotektahan ang mga konsyumer at ang poultry industry.
Sinabi pa ng kalihim na agad ipapatupad ang kanyang huling kautusan subalit binigyang-diin ang mahigpit na pagtupad sa lahat ng rules and regulations ng DA hinggil sa pag-angkat ng mga produktong agrikultura.
Pangunahing source ng Pilipinas ang Amerika ng imported na karne tulad ng baka at manok.