Hernandez

LAGUNA REGIONAL HOSPITAL ITATAYO

12 Views

Pagpapatuloy ng Serbisyong Tama ni Rep. Ruth Hernandez

NAGBUNGA na ang pagsisikap at adbokasiya ni Laguna 2nd District Rep. Ruth Hernandez na magkaroon ng sariling regional hospital sa kanilang lalawigan na kanyang isinulong sa Kongreso simula pa noong 2019 o limang taon na ang nakararaan.

Ito ay matapos na tuluyang maisabatas at pirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Nobyembre ang Republic Act (RA) 12071 na tinatawag na “An Act Establishing in the Municipality of Bay, Province of Laguna, A Level 3 General Hospital To Be Known as Laguna Regional Hospital”.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Rep. Hernandez na itinuturing niyang tagumpay ng bawat Lagunense ang pagsasabatas ng RA 12071 na magbibigay daan aniya sa pagtatayo ng kauna-unahang Level III Department of Health (DOH)-run general hospital sa kanilang lalawigan.

Katunayan din umano ito ng pagpapatuloy ng Serbisyong Tama na handog niya at ng kanyang asawang si Gob. Ramil Hernandez para sa kanilang mga kababayan sa Laguna.

Ipinaliwanag ni Rep. Hernandez na ang Laguna Regional Hospital ay katulad ng Batangas Medical Center o PGH, kung saan ang kanyang hangarin ay mapalawak ang access sa serbisyong medikal at pangkalusugan ng mga mamamayan sa kanilang lalawigan at maging ng mga taga kalapit probinsya nila.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Rep. Hernandez na inaasahan niyang agarang makapagbibigay ng serbisyong medikal ang pagamutan sa pamamagitan ng P150 milyong inisyal na pondo, habang itinatayo ang kabuuan ng Laguna Regional Hospital.

“Bilang Principal Author ng batas na ito, sinimulan ko pong inihain ito sa Kongreso sa aking unang termino pa lamang noong 2019,” wika niya sa kanyang FB post.

Pagpapatuloy pa ni Rep. Hernandez: “Sa ating pagpupursige ang ating panukalang batas ay pumasa sa Kongreso taong 2023 at sa Senado ngayong taong 2024 hanggang sa pag-pirma ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Nobyembre.”

Inihayag din niya na matagal na niyang pangarap na sa kanilang mismong lalawigan ginagamot, inaalagaan at nagpapagaling ang mga kababayan niyang mga may sakit at hindi na lumalayo pa para magpagamot sa iba pang mga probinsya o ospital.

“Ito na po ang simula ng katuparan ng ating pangarap na iyon, at masaya po ako na kasama ko kayo sa pagtupad nito. Sama-sama po tayo sa pagtutuloy ng Serbisyong Tama sa Laguna,” pagbibigay diin ni Rep. Hernandez.

Matatandaan na Marso 9, 2021, nang ipasa niya sa Kongreso ang panukalang batas na naglalayong magpatayo ng Laguna Regional Hospital sa lalawigan.

Noong Disyembre 12, 2023, naganap ang third reading sa Kongreso ng panukalang batas na House Bill (HB) 9623.

Kasunod nito, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna ay nagsagawa ng pagpirma ng Deed of Donation sa DOH ng nasa mahigit dalawang ektaryang lupa sa bayan ng Bay.

Pagdating ng Marso 12, 2024, tinalakay sa public hearing ng Senate committee on health and demography ang importansya ng pagkakaroon ng isang Level 3 General Hospital sa lalawigan na maisasakatuparan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng HB 9623 ni Rep. Hernandez.

Sa kasalukuyan ay tapos na ang groundbreaking ng Laguna Regional Hospital.

Kaya naman lubos na nagpapasalamat din sa kanya at kay Gob. Hernandez ang mga mamamayan ng Laguna, dahil sa anila sa pagsusumikap nilang ipagpatuloy ang paghahatid ng Serbisyong Tama para sa kanilang lalawigan.