Calendar
Kapitan Mac-Mac inihatid na sa huling hantungan
JEAN, Nueva Ecija – “Sana matuldukan na ang karahasan dito sa ating bayan at ang pagpatay kay Kapitan Mac-Mac ang kahuli-hulihan sa listahan ng krimeng ito.”
Ito ang sigaw ng mga pinuno dito sa munisipyo at barangay bago ihatid sa kanyang huling hantungan ang napaslang na Barangay Chairman Mark Vic “Mac-Mac” Pascual sa pampublikong sementeryo dito nitong Miyerkules, eksaktong isang linggo matapos siyang paslangin.
Libu-libong residente ng bayan ang nakiisa sa kanyang libing upang ipahayag ang kanilang galit sa pamamaslang gayundin ang kanilang matinding pakikiramay sa nasawing opisyal ng barangay na pinatay ng isang lalaking sakay ng kotse sa harap ng kanyang residential compound noong Miyerkules ng hatinggabi.
Karamihan sa mga nagdadalamhati, kasama na ang naulilang pamilya ni Pascual ay nakitang nakasuot ng puting t-shirt na may nakasulat na “Hustisya para kay Kap Mac Pascual.”
Naniniwala si Mayor Sylvia C. Austria, tiyahin ni Pascual, na politically-motivated ang pagpatay sa kanya.
Bago ang funeral march, dinala ang labi ni Pascual sa bulwagan ng bayan para sa isang necrological service kung saan ang kanyang malalapit na kaibigan, kamag-anak, at kapwa opisyal ng gobyerno ay nag-alay ng panalangin at papuri para sa kaniya.
Sa nasabing Gawad-parangal, pinagkalooban ng posthumous award ni Mayor Austria, anak na si Vice Mayor Sylvester C. Austria at mga miyembro ng konseho ng bayan ang napaslang na Kapitan para sa kanyang 14 na taon na paglilingkod sa gobyerno. Ang kapatid ni Pascual na si Dr. Marbi Pascual ang tumanggap ng parangal para sa kanya.
Sinabi naman ni Mayor Austria bilang patutsada at patama sa gumawa ng krimen nang walang binabanggit na pangalan: “Wala kang puso, wala kang konsensiya, napakasama mo, hindi ka tao.”
“Naway hindi masayang ang binuwis mong buhay Kapitan Mac at magbigay daan dito upang matuldukan ang karahasan sa ating bayan,” saad naman ng grupo ng mga barangay captains sa pangunguna ni Association of Barangay Captains president Joey Pantaleon.
Pagkatapos ng memorial service, dinala ang labi ni Pascual sa St. Augustine Church sa Bgy. Don Mariano Marcos kung saan ipinagdiwang ang isang Banal na Misa sa kanyang karangalan.