Dela Rosa

Sen Bato: Mayor Inday hindi magiging pabigat kay BBM

327 Views

HINDI umano magiging pabigat kay dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte kapag silang dalawa ang nanalo sa paparating na halalan.

Ayon kay Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa magiging cooperative at supportive na vice president si Duterte at hindi tutularan ang iba na tumutulong sa paggulo sa bansa.

Kinausap ni Duterte si dela Rosa upang kumakatawan sa kanya sa pangangampanya ng UniTeam sa Eastern Visayas.

“Sabi niya, Sir Bato, kailangan iparating mo doon sa ating mga kababayan sa Eastern Samar ha, na kung ako maging bise presidente, siguraduhin ko na ako’y isang very supportive at very cooperative na bise president sa ating pangulong Bongbong Marcos,” sabi ni dela Rosa.

Sinabi ni dela Rosa na mahalaga ang papel ng bise presidente upang matulungan na mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino.

“Sabi nga ni Mayor Inday Sara, dapat fully supportive sa pangulo ang kanyang bise para maging successful ang ating gobyerno, ang susunod na administrasyon,” dagdag pa ni dela Rosa.

Ayon pa sa senador hindi na dapat maranasan ng susunod na Pangulo ang naranasan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Habang si Pangulong Duterte ay bising-busy sa kanyang ginagawa para gumanda ang pamumuhay ng bawat Pilipino, ‘yung kanyang bise president pumunta sa abroad at walang ibang ginawa kung hindi siraan ang ating sariling bayan, nagsinungaling pa doon sa international community, nagsabi na meron daw crimes against humanity dito sa Pilipinas,” wika pa ni dela Rosa.

Bukod kay Marcos at Duterte kailangan din umano na manalo ang mga kandidato ng UniTeam sa pagkasenador na kanilang makakatuwang sa pagpapatakbo ng bansa.