Piattos

Tulong ng PSA, NBI, at PNP tungkol kay ‘Mary Grace Piattos’ hirit ng House panel

23 Views

ChuaINAPRUBAHAN ng House Blue Ribbon Committee ang mosyon na hingin ang tulong ng mga ahensya ng gobyerno upang beripikahin ang pagkakakilanlan ni Mary Grace Piattos at iba pang tumanggap ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte.

Ang komite, na pinamumunuan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, ay nagpasya na humingi ng tulong mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine National Police (PNP).

Ang mosyon ay inihain ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon matapos ang pagtatanong nito kay Atty. Gloria Camora ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng mga iregularidad sa mga acknowledgment receipt (AR) na isinumite ng OVP bilang katunayan ng paggastos ng confidential fund.

“I would like to move that this dubious, spurious, and highly irregular [ARs] be referred to the [PSA] to verify the names enumerated therein if these persons really exist,” ayon kay Bongalon.

Nanawagan din si Bongalon na magsagawa ang NBI at PNP ng pagsusuri sa sulat-kamay at lagda upang matukoy kung tunay ang mga acknowledgment receipt (AR), at unahin ang kay “Mary Grace Piattos.

“I would like to move also that the [ARs] be referred to the [NBI] and the [PNP] for them to assist us in conducting a handwriting or signature examination to verify whether the recipients of these confidential funds are real or not, with Ms. Mary Grace Piattos as the first priority,” dagdag pa nito.

Ang dalawang mosyon ay inaprubahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability na pinamumunuan ni Chua.

Tinukoy ni Bongalon ang mga acknowledgment receipt (AR) na may kabuuang halagang ₱26.32 milyon na naglalaman ng mga petsang hindi tumutugma sa tinukoy na panahon ng paggasta, na nagdulot ng mga pagdududa sa mga dokumentong ginamit upang ipaliwanag ang paggastos ng mga pondo.

Ginamit ng OVP ang mga resibong ito bilang batayan upang ipaliwanag ang ₱500 milyong confidential at intelligence funds (CIFs) na inilabas sa apat na yugto ng tig-₱125 milyon, na nagsimula noong huling bahagi ng 2022 at nagpatuloy hanggang sa ikatlong quarters ng 2023.

Naunang pinuna ng COA ang ₱73.28 milyon mula sa paunang ₱125 milyon, dahil sa hindi tamang paggastos ng OVP sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022

Habang ang nalalabing ₱375 milyon na ginastos noong 2023 ay nasa ilalim ng pagsusuri matapos matukoy sa mga Audit Observation Memorandums ang ilang mga iregularidad.

“‘Yung [ARs], bearing those dates that will not conform with the period that was covered by the confidential funds, correct?” Tanong ni Bongalon kay Camora, na sumagot naman ng, “Yes, Mr. Chair. Ang binigay nila pong dahilan sa compliance nila is inadvertence,” na tinutukoy ang paliwanag ng OVP.

Binanggit ni Bongalon na kahit na ang ilang mga AR ay nasama na sa mga naunang disallowances, may natitirang ₱17.6 milyon na hindi pa naipaliwanag at maaaring isailalim sa karagdagang disallowance ng COA.

Ang pangalang “Mary Grace Piattos” ay nagdulot ng pagdududa sa publiko dahil ang mga pangalan ng brand na “Mary Grace” at “Piattos” ay parehong kilala at popular sa mga Pilipino-ang “Mary Grace” ay isang sikat na chain ng mga café, habang ang “Piattos” ay isang paboritong brand ng meryenda.

Duda ang mga mambabatas na ang pangalang ito ay maaaring hindi totoo, gayundin sa mga resibong ginamit bilang patunay ng paggastos.

Ang PSA ay magsasagawa ng beripikasyon upang tiyakin kung totoo ang mga pangalang nakasaad sa mga resibo, habang ang NBI at ang PNP naman a g magsusuri sa mga sulat-kamay at lagda sa mga resibo upang tiyakin ang kanilang pagiging tunay o lehitimo.

Inaasahang ang mga imbestigasyong ang magpapatunay kung lehitimo nga ang mga transaksyon o ang posibleng pagsasamantala sa paggamit ng confidential funds.