Just In

Calendar

December 2024
M T W T F S S
 1
2345678
9101112131415
16171819202122
23242526272829
3031  
Edd Reyes

NPD tutugisin mga kriminal, sangkot sa ilegal na sugal

Edd Reyes Dec 4, 2024
12 Views

MAGKAKAPAREHO ang tagubilin ng alkalde ng mga Lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (Camanava) kay Northern Police District (NPD) Acting Director Josefino Ligan nang magsimulang maupo sa puwesto.

Partikular na ipinagbilin kay Col. Ligan sa kanyang pagbibigay-pugay sa mga alkalde ang illegal na droga, paghuli sa mga sangkot sa ilegal na sugal, at pagtugis sa mga wanted na kriminal, na pangunahing susi sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa bawa’t lungsod.

Kaya araw-araw, laman ng police blotter sa Camanava area ang pagdakip sa mga sangkot sa ilegal na droga, pagsisilbi ng warrant of arrest sa mga wanted na kriminal, at panghuhuli sa mga sangkot sa sugal-lupa tulad ng cara y cruz, dice, tong-its, lotteng, at iba pa na kadalasan ay nakukuhanan pa ng shabu ang mga mananaya.

Dahil sa higpit ng kampanya ng kapulisan, pilit na itinatago ng mga operator ng illegal numbers game, color games, at iba pang sugal ang kanilang operasyon sa mga itinatayong mini-carnival na patok na patok tuwing darating ang Kapaskuhan.

Pero kahit anong tago ang kanilang gawin, nabibisto pa rin sila ng pulisya at lokal na pamahalaan, tulad ng ginawang pagpapasara ni Mayor Along Malapitan sa mini-carnival sa Bagumbong sa North Caloocan at isa pa sa likod ng Nice Hotel sa Monumento dahil sa kawalan ng business permit at paglalagay ng ilegal na sugal.

Yun nga lang, lumilipat lang sa kalapit na lalawigan ng Bulacan ang ilang mga operator tulad ng paglalatag ng ilegal na sugal sa mga peryahan sa Loma De Gato sa San Jose Del Monte, Barangay Tabon, at Barangay Cutcot sa Pulilan.

Abangan na lang ang magiging aksiyon tiyak dito ni Police Regional Office (PRO)-3 Regional Director P/BGen. Redrico Maranan.

Kadiwa store, ikakalat sa buong bansa

PABOR si Navotas Congressman Toby Tiangco sa nais ng Department of Agriculture (DA) na maglagay pa ng 71 Kadiwa stores sa labas ng Metro Manila upang mas marami pang makabili ng mura at de-kalidad na bigas at iba pang pagkain na tiyak na makakatulong sa mga magsasaka.

Sabi ni Rep. Tiangco, malaking tulong sa mamamyan ang Kadiwa stores, kaya dapat lamang na magkaroon nito sa lahat ng panig ng bansa para direkta ng maibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto para hindi na sila babaratin ng mga traders.

Dagdag pa ng kongresista, nais ng Pangulong Bongbong Marcos na magkaroon ng 1,500 Kadiwa sites sa buong bansa pagsapit ng taong 2028 na tiyak na magpapababa aniya sa presyo ng mga produktong pang-agrikultura ng mula 20 hanggang 30 porsiyento kumpara sa mga nabibili sa pamilihan.

Sa oras na maisakatuparan ito, mapipilitan ang mga mangangalakal na kumagat sa presyong hindi malulugi ang mga magsasaka.

PCSO, kinilala bilang pinakamagaling sa pagganap ng GCG

Pagbati ang nais nating ipaabot kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General General Manager Melquiades Robles at sa kanyang mga opisyales dahil sa muling pagtanggap ng pagkilala sa dalawang sunod na taon mula sa Governance Commission for Government-Owned and Controlled Corporations (GCG).

Noong nakaraang taon, nakatanggap ang PCSO ng parangal bilang Most Improved GOCC pero ngayon, dalawang pagkilala ang nakopo nila, isa rito ang pinakamataas sa Performance Scorecard at perfect score sa Stakeholder Relationship Section ng Corporate Governance Scorecard mula taong 2021 hangang 2023 sa GCG’s Performance Evaluation System (PES).

Nagpasalamat naman ni GM Robles sa tinanggap na pagkilala na aniya ay bunga na rin ng dedikasyon at kasipagan sa paglilingkod ng buong PCSO team na nakatuon sa pangakong panindigan ang pinakamataas na antas ng pamamahala at kahusayan sa serbisyo.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].