Calendar
TIMBOG ang tatlong high-value individual (HVI) target sa buy-bust operation na ikinasa ng pulisya Miyerkules ng gabi sa Muntinlupa City.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang ang mga nadakip na sina alyas “Muks”, 30, alyas “Vernon, 44, at alyas” Raymundo”, 42, na umano’y reaponsable sa pagpapakalat ng shabu sa Lungsod ng Muntinlupa at karatig lalawigan.
Isinagawa ng magkasanib na puwersa ng District Drug Enforcement Unit ng SPD, Distinct Intelligence Division (DID),at District Special Operation Unit (DSOU), kasama ang mga tauhan ng Police Sub-Station 6 ng Muntinlupa police ang buy-bust operation dakong alas-7:45 ng gabi sa Brgy. Poblacion matapos makipag-transaksiyon ang mga suspek sa pulis na nagpanggap na buyer.
Ayon kay Muntinlupa Police Chief P/Col. Robert Domingo, nasamsam sa mga suspect ang 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1, 360,000.00, markadong salapi na ginamit sa buy-bust, android phone, at gamit na motorsiklo.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office.