Volcano

Kanlaon Volcano sumabog; Alert level 3 itinaas

32 Views

ITINAAS sa level 3 ang status ng Kanlaon Volcano matapos ang explosive eruption noong Lunes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sinabi ng Phivolcs, na noong umaga, nagkaroon ang Bulkang Kanlaon ng anim na volcanic earthquakes at 16 na minutong ash emission event.

Naglabas din ito ng 4,638 tonelada ng sulfur dioxide noong Linggo at 300 metrong taas na plume.

Unang itinaas ang Alert Level 2 sa Kanlaon Volcano dahil sa “increased unrest” kasunod ng pagsabog nito noong Hunyo 3.

Sa kaugnay na balita, nabalot ng takot ang mga residente sa Negros Island matapos ang biglaang pagsabog ng Bulkang Kanlaon noong Lunes ng hapon.

Batay sa ulat ng Phivolcs, naganap ang pagsabog dakong alas-3:03 ng hapon kung saan nagbuga ang bulkan ng makapal na usok na umabot sa 3,000 metro ang taas.

Inaasahan din ang sunod-sunod na pagsabog ng bulkan.

Sa inilabas na 24-hour monitoring ng Phivolcs, lumalabas na bago ang pagsabog nakaranas ng pag-aalburuto ang bulkan na nakapagtala ng 6 na volcanic earthquakes at nagbuga ng abo na tumagal ng 16 na minuto.

Nitong Linggo, nagbuga ng 4,638 tonelada ng sulfur dioxide ang bulkan.

Mahigpit na ipinagbabawal sa mga residente ang pagpasok sa 6-kilometer radius mula sa summit ng bulkan.

Inahahanda na rin ang paglilikas sa mga residenteng malapit sa bulkan. Kasama si ZAIDA DELOS REYES