Defensor

Presidential frontrunner BBM iminungkahi na bigyan ng bantay na PSG

240 Views

IMINUNGKAHI ni Quezon City mayoralty candidate Michael Defensor sa Malacañang na bigyan ng bantay mula sa Presidential Security Group (PSG) ang nangungunang presidential candidate na si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Defensor sa mga pangunahing kandidato sa pagkapangulo si Marcos ang walang bantay na mula sa gobyerno dahil wala itong posisyon sa kasalukuyan.

“The problem with our set up here is that if you are not an incumbent official and you run for president or vice president, you have no government protection at all, unlike in the United States,” sabi ni Defensor.

Sinabi ni Defensor na sa Estados Unidos ang lahat ng kandidato sa pagkapangulo at ikalawang pangulo ay binabantayan ng U.S. Secret Service.

“The Palace should at least offer to provide Bongbong a small PSG team. It is up to him if he accepts or declines the offer,” dagdag pa ni Defensor.

Ang mga presidential candidate na sina Vice President Leni Robredo, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Panfilo Lacson at Manila Mayor Isko Moreno ay mayroon umanong mga bantay mula sa gobyerno dahil sila ay mayroong katungkulan sa kasalukuyan.

Mayroon naman umanong otomatikong nagbabantay na PSG sa running mate ni Marcos na si Davao City Mayor Sara Duterte bilang anak ng Pangulo.

Si vice presidential candidate Vicente Sotto III, na kasalukuyang Senate President ay mayroon din umanong mga bantay mula sa Senado.

Si Defensor ang kandidato sa pagka-alkalde ni Marcos. Kalaban nito sa halalan si incumbent Mayor Joy Belmonte.