Martin PAMASKO PARA SA PCMC — Nagbigay kasiyahan sina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Tingog Partylist Rep.Yedda Marie K. Romualdez, Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, sa pakikipag-koordinasyon sa mga doktor ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) na pinangunahan ni Dra Sonia Gonzalez, sa 130 batang pasyente sa Christmas gift-giving Huwebes ng hapon sa PCMC hospital sa Quezon City. Ang Ako Bicol “Paskong Tarabangan” ay namahagi rin ng guarantee letters sa mga pasyenteng nangangailangan ng tulong. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez, Reps. Yedda, Zaldy Co pinasamaskuhan 130 pasyente sa PCMC

Mar Rodriguez Dec 12, 2024
37 Views

PINANGUNAHAN ni House Speaker Martin G. Romualdez ngayong Huwebes ang isang Christmas event kasama ang mga batang pasyente at kanilang pamilya at isang People’s Day sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) sa Quezon City.

Nagsama sa “Paskong Tarabangan Event” sina Speaker Romualdez, ang misis nitong si Tingog Rep. Yedda Marie Romualdez, at Ako Bicol Rep. Elizaldy Co. Ang Ako Bicol partylist ang host ng event.

“This is one of my favorite social events as a legislator where we spend time with children. Napakasarap isabuhay ng mga katagang ‘ang Pasko ay para sa mga bata’ dahil nakikita mo ang kanilang tunay na galak at tuwa sa mga pagtitipong katulad nito,” ani Speaker Romualdez.

“Bukod sa paghahanda ng isang pagdiriwang para sa mga bata at kanilang pamilya, mag-aabot din tayo ng tulong pinansyal sa mga naka-confine dito sa PCMC at dadalaw din tayo sa children’s ward para mamigay ng regalo. Iparamdam natin ang Pasko dito sa PCMC,” sabi ng lider ng Kamara.

Nasa 130 bata ang nakisaya sa Christmas party na sinundan ng People’s Day ng Ako Bicol partylist kung saan namigay ng guarantee letter para sa matulungan sa pagpapagamot ang mga pasyente.

Binisita rin ng mga mambabatas ang mga batang pasyente sa mga ward at binigyan ng regalo ang mga ito.

Bukod sa mga regalo, sinabi ni Speaker Romualdez na ang mga pasyenteng inimbita sa event ay makikinabang sa zero billing na ikinatuwa ng mga nasa ward at mga magulang.

Sinabi ni Rep. Yedda na walang mapaglagyan ang kanyang kasiyahan ng makita ang ngiti ng mga bata.

“There is nothing more pure and sincere than a child’s genuine happiness and Christmas spirit. I am very pleased to be a part of this event,” saad ng lady solon.

“Bilang isang ina napakahirap makita ang ating mga anak na maysakit. Sana sa aming pagdalaw ay nakapagdala kami ng kaunting pag-asa at maibsan ang pinagdadaanan ng ating mga anak. Dasal ko po na sana ay gumaling na sila,” dagdag pa ni Rep. Yedda.

Sinilip din ng mga mambabatas ang itinatayong Philippine Cancer Center sa loob ng Blood Bank Complex, gayundin ang Mega Hemodialysis Legacy Building ng National Kidney and Transplant Institute, na kapwa nasa Quezon City.

Isinulong ng Kamara de Representantes na mapondohan ang pagtatayo ng mga nabanggit na pasilidad.

“We expect that once the new buildings are done, they would serve more patients in the future and further enhance healthcare delivery to our people,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.