Festival

Parol Festival, street dancing paligsahan sa Las Pinas lalong pinasigla

Edd Reyes Dec 12, 2024
26 Views

Festival1LALU pang pinasigla ng Villar Sipag Foundation ang ika-19 na taong Parol Festival at ika-15 taong street dancing competition na magkasunod na idinaos Huwebes ng umaga sa Villar Sipag Compound sa C-5 Road, Las Pinas City.

Ayon kay Senator Cynthia Villar, Pangulo ng Villar Sipag Foundation, 16 na kasapi sa Samahan ng mga Magpaparol sa Las Pinas na pawang mga bantog sa paggawa ng parol ang lumahok sa taunang paligsahan sa paglikha ng makulay at iba’t-ibang uri ng disenyo ng parol na pawang gawa sa recycled materials.

May inilaaang premyo ang Villar Sipag Foundation na P20,000, P15,000, at P10,000 sa mga una, ikalawa, at ikatlong magwawagi, bukod pa sa ibinigay na subsidiya ng foundation sa lahat ng kalahok upang magamit nila sa pagbuo ng magandang parol.

Umabot naman sa 16 na estudyante sa elementrarya ng mga pampublikong paaralan sa Las Pinas ang nagpakitang-gilas sa husay sa pagsayaw kaya’t nahirapan ang mga hurado kung sino sa kanila ang itatanghal bilang kampeon.

Sa huli, nasungkit ng CAA Elementary School ang kampeonato na may premyong P50,000 at itinanghal din na Best Costume na may premyong P10,000, 2nd runner up naman ang Dona Manuela Elementary School na nag-uwi ng P20,000 at 1st runner-up ang Moonwalk Elementary School na may premyong P30,000.

Ayon sa Senadora, tulad ng mga lumahok sa parol making contest, binigyan din ng subsidiya ng foundation ang mga lumahok na estudyante upang magamit nila sa paglikha ng makukulay at recycled na kasuotan.

Nagwagi naman sa Parol making contest si Luzviminda Gallardo na nag-uwi ng P20,000 cash prize, 2nd winner si Glecy Dela Cruz na nakatanggap ng P15,000, at 3rd prize winner si Richard Loverez na may P10,000 premyo.

Bukod kay Sen. Cynthia Villar, kabilang din sa mga dumalo sa makulay na Parol Festival at Street Dance Competition sina Sen. Mark Villar, Congresswoman Camille Villar, at ang tumatakbong alkalde ng lungsod na si Carlo Villar.