Calendar
Tiangco nais palawakin sa buong PH Walang Gutom Kitchen
NANAWAGAN si Navotas Representative Toby Tiangco sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palawakin sa buong bansa ang programang “Walang Gutom Kitchen” upang labanan ang gutom at mai-angat ang komunidad na kulang sa serbisyo.
“Napakaganda po ng programang ito ng DSWD, at sana ay mapag-aralan nilang maigi kung paano ito maisasagawa sa mas maraming mga lugar sa bansa,” pahayag ni Tiangco.
Sinabi ni Tiangco na buo ang kanyang suporta sa inisyatiba na nakahanay sa kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr sa paglaban sa gutom at kahirapan.
Sa datus ng DSWD, mahigit na sa 10,000 indibiduwal ang nabiyayaan ng mainit at masustansiyang pagkain mula sa soup kitchen mula nang ilunsad ito noong Disyembre 16, 2024.
Binigyang diin ni Tiangco na malaki aniya ang posibilidad na mapaunlad ng naturang programa ang mga komudidad na dumaranas ng karukhaan sa buong bansa
“Hindi lingid sa atin na marami pa rin sa ating mga kababayan ang nagugutom, lalo na sa mga probinsya. Expanding this program will greatly benefit those in poor communities,” sabi ng kongresista.
Tinuran din ni Tiangco na hindi lamang kagutuman ang matutulungan ng naturang programa kundi magdudulot din ito ng pagbabawas ng pag-aaksaya ng pagkain.
Ang Walang Gutom Kitchen na isinulong ng DSWD ay isang paraan ng pagkolekta sa malinis at sobrang pagkain sa mga hotel, restaurant, at iba pang organisasyon upang initin at gawing masustansiyang pagkain para sa mga taong dumaranas ng kagutuman.