Mass transportation sagot sa mabigat na daloy ng trapiko—UniTeam

241 Views

SA halip na magdagdag lamang ng mga Skyway, target ng BBM-Sara UniTeam na pagandahin ang mass transport system upang maresolba ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Naniniwala ang grupo nina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at running-mate nitong si Davao City Mayor Sara Duterte na kung gaganda ang mass transport system ay mas nanaisin ng marami na sumakay dito sa halip na magdala ng sariling sasakyan.

“Improving our mass transport system is the best long-term solution to address our traffic problem. Merely increasing road capacity is not the only way to go about it. Urban planners noted that, it can even worsen it. We need to reduce the number of private cars on our roads,” sabi ng UniTeam sa isang pahayag.

Hindi rin umano dapat makontento ang gobyerno na basta mayroon lamang masakyan ang mga mamamayan kundi dapat ay komportable ang mga ito na makararating sa kanilang pupuntahan.

Kasama rin umano sa plano ang seamless intermodal system para madali ang paglipat-lipat ng pasahero.

Nauna ng sinabi ng UniTeam ang plano nitong gawing moderno ang Pasig River Ferry System upang makabawas sa mga sasakyan na bumibiyahe sa mga kalsada ng Metro Manila.

Nais din ng UniTeam na ituloy-tuloy ang operasyon ng EDSA Carousel Bus route sa Metro Manila kung saan libre ang sakay na nakakatulong umano ng malaki lalo na sa mga minimum wage earners.