Calendar
1 patay sa karambola sanhi ng senglot na driver
CABANATUAN CITY–Kalaboso ang inabot ng 45-anyos na umano’y lasing na driver ng pickup truck na nakapatay ng isa ng tumbukin ang 10 sasakyan at nagtangka pang tumakas sa Maharlika Highway noong Biyernes.
Naganap ang banggaan sa Maharlika Highway sa Bgys. Hermogenes Concepcion Sr. at Sumacab Este alas-6:30 ng gabi.
Damay sa hit-and-run ang 10 sasakyan na karamihan mga kotse at motorsiklo.
Ayon kay Nueva Ecija police chief P/Col. Ferdinand Germino, binabaybay ng pickup truck ang southbound lane nang una itong bumangga sa tricycle na minamaneho ng 53-anyos na driver na idineklarang dead-on-arrival sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research Medical Center.
Isa pang sugatang biktima ang 41-anyos na motorista.
Sinabi ni Germino na ang suspek, residente ng Brgy. Castellano, San Leonardo, Nueva Ecija, bumangga sa ilan pang mga sasakyan sa highway sa kanyang pagmamadali na tumakas mula sa pinangyarihan ng aksidente.
Muli siyang pinara sa isang 24/7 checkpoint sa kahabaan ng highway sa Bgy. Sumacab Este ngunit tumanggi siyang tumigil at muling sinubukang tumakas.
Tuluyang nakorner at nahuli ang suspek nang bumangga ang kanyang sasakyan sa footbridge sa nasabing barangay.
Aniya, agad na isinailalim sa kustodiya ang suspek at sa medical at alcohol testing.
Inihanda na ang mga kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury at damages to properties para sa inquest-filing laban sa suspek sa Cabanatuan City Prosecutor’s Office.