Romero

1-PACMAN Party List Group umarangkada na pangangampanya

Mar Rodriguez Feb 11, 2025
109 Views

Romero1UMARANGKADA na ang pangangampanya ng 1-PACMAN Party List na naghahangad na muling makakuha ng puwesto sa Kongreso kasabay nito ang pagsisimula rin ng kampanya para naman sa mga “senatorial candidates” na sasabak ngayong mid-term elections.

Pinangunahan ni 1-PACMAN 1st nominee Mikaela Louise “Milka” Romero ang pangangampanya sa pamamagitan ng isinusulong nitong adbokasiya at programa na sinimulan ng kaniyang amang si 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D. sa loob ng siyam na taong panunungkulan nito sa Kamara de Representantes.

Ipinabatid ni Milka Romero na ang tema ng kanilang kampanya ay nakatuon parin sa pagsusulong ng pagbabago sa buong bansa partikular na ang pagtutok sa mga programang magpapabuti sa kalagayan ng mga Pilipinong atleta at Philippine sports.

Bukod dito, sinabi pa ni Romero na ipagpapatuloy ng 1-PACMAN Party List Group ang mga proyektong “sports clinic” para sa mga kabataan kasama na dito ang pamamahagi ng bigas at loibreng gamot para sa mga senior citizens at mahihirap na mamamayan.

Tiniyak din ng batang Romero na sakaling palarin siyang maluklok bilang Kinatawan ng 1-PACMAN Party List Group. Sisikapin nitong isulong ang mga programa para sa pagpapa-unlad ng kalagayan ng mga Pilipinong atleta na itinuturing na mga bagong Bayani.

“Ang 1-PACMAN ay patuloy na nagsusulong ng pagbabago sa buong bansa. Mula sa mga sports clinics para sa mga kabataan. Pamamahagi ng bigas at gamot para sa mga senior citizens, pagpasa ng mga batas para sa kapakanan ng bawat Pilipino,” wika ni Milka Romero.