Calendar

Tri-comm susuriin tax compliance, online practices ng social media influencers
NAKATAKDANG pag-aralan ng House tri-committee ang pagsunod sa buwis at financial transparency ng mga social media influencers at vloggers, kung saan inaasahang magbibigay ng impormasyon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa ikalawang pagdinig ng panel sa Pebrero 18.
Kabilang sa mga inimbitahan sa pagdinig sina BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. at ang kanyang team, na haharap sa mga komite sa public order and safety, information and communications technology, at public information.
Layunin ng imbestigasyon na alamin kung paano lumalaganap ang “fake news” online at kung tama bang idinedeklara ng mga digital personalities ang kanilang kita.
Binigyang-diin ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, overall chair ng tri-comm, ang pangangailangang tiyakin na ang mga digital personalities ay tapat sa pagdedeklara ng kanilang kita at pagsunod sa kanilang mga obligasyon sa buwis.
Ayon kay Fernandez, bahagi ito ng mas malawak na hakbang upang mapanatili ang patas na sistema ng pagbubuwis, lalo na’t lumalago ang industriya ng online content creation.
“We are not only looking into the spread of disinformation but also ensuring that these influencers and vloggers comply with tax regulations,” ani Fernandez, na siyang chairman ng House committee on public order and safety.
“Hihilingin natin sa vloggers na isumite nila ang kanilang ITRs para masuri ng BIR,” dagdag pa niya.
“If they are earning from their content, whether through ads, sponsorships or monetization schemes, then they should be paying their fair share of taxes like any other income earner,” paliwanag ni Fernandez.
Ilan sa mga inimbitahang humarap sa pagdinig ay sina Trixie Cruz-Angeles, Krizette Laureta Chu, Mark Anthony Lopez, Joie De Vivre (Elizabeth Joie Cruz), Banat By (Lord Byron Cristobal), MJ Quiambao Reyes, Lorraine Marie Badoy-Partosa, Sass Rogando Sasot, Joe Smith Medina (Political Witch Boy), Claire Eden Contreras (Maharlika Boldyakera), Jeffrey Almendras Celiz (Eric Celiz), Manuel Mata Jr. (Kokolokoy), Jonathan Morales, Cyrus Preglo (Optics Politics), Alex Destor (Tio Moreno), Atty. Glenn Chong, Atty. Rose Beatrix “Trixie” Cruz-Angeles, Darwin Salceda (Boss Dada TV), Elmer Jugalbot (Eb Jugalbot), Ethel Pineda Garcia, Julius Melanosi Maui (Maui Spencer), Suzanne Batalla (IamShanwein), Jeffrey G. Cruz (JCCO / JJ Cruz), Marc Louie Gamboa, Ramon Gerardo San Luis, Kester Ramon John Balibalos Tan (Mr. Realtalker), Edwin Jamora (Reyna Elena), George Ahmed Paglinawan (Luminous by Trixie & Ahmed), Mary Catherine Diaz Binag, MJ Mondejar, Ma Florinda Espenilla-Duque (Pebbles Duque), Ryan Lingo, Ross Flores Del Rosario (Wazzup Philippines) at iba pa.
Ang mga influencers na ito ay may malalaking online following at kumikita sa iba’t ibang platforms, tulad ng Facebook, YouTube, TikTok at Instagram.
Tatanungin ng tri-comm ang mga digital personalities kung paano nila pini-pera ang kanilang content at kung sumusunod ba sila nang buo sa tax laws.
Kabilang din sa mga inimbitahang humarap si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, pati na rin ang mga opisyal mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), National Telecommunications Commission (NTC), Philippine National Police (PNP), PNP Anti-Cybercrime Group at PNP Legal Service.
Pinadalhan din ng subpoena ang mga executive ng Meta (Facebook, Instagram), Google (YouTube) at ByteDance (TikTok) upang talakayin ang kanilang monetization policies at kung ibinabahagi ba nila ang earnings data sa tax authorities.
Kabilang sa mga kinatawan ng tech companies na inimbitahan ay sina Genixon David mula sa Meta, Atty. Yves Gonzalez mula sa Google at Peachy Paderna mula sa ByteDance.
Noong 2021, naglabas ang BIR ng memorandum na nagpapaalala sa mga social media influencers ng kanilang obligasyong magparehistro, magsumite ng tax returns, at ideklara ang lahat ng kita mula sa digital platforms.
Ayon kay Fernandez, susuriin ng mga mambabatas kung may pangangailangan na magpatupad ng karagdagang regulasyon upang palakasin ang tax compliance sa digital space.
Pinag-aaralan ng tri-comm ang posibilidad na magpatupad ng mga bagong polisiya tulad ng mandatory tax registration para sa online influencers, pag-obliga sa social media platforms na i-report ang influencer earnings, at mas mahigpit na parusa para sa hindi pagsunod sa tax laws.
Binigyang-diin ni Fernandez na ang imbestigasyon ay tungkol sa transparency at accountability, hindi sa pagsupil ng malayang pamamahayag.
“This is about transparency and fairness. If traditional media, businesses and workers all pay taxes, then digital influencers who earn from public engagement should do the same,” aniya.
Sa pagdinig sa Martes, tatalakayin kung ano ang mga susunod na hakbang sa imbestigasyon, kabilang ang posibleng legal actions laban sa mga hindi susunod sa tax laws at ang pag-isyu ng show cause orders sa mga indibidwal na naunang pinatawag.