Gutierrez 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez

Kahit magbitiw, Senate Impeachment Court dapat ituloy trial ni VP Sara

54 Views

DAPAT umanong ituloy ng Senate Impeachment Court ang pagdinig sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kahit na magbitiw ito sa puwesto, upang makapagbaba ng hatol sa hiling na idiskwalipika ito sa paghawak sa anumang posisyon sa gobyerno.

Ipinunto ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, miyembro ng 11-man House prosecution panel, na ang pagbibitiw ay hindi nagpapawalang-bisa sa proseso ng impeachment, lalo na sa parusang habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon.

“Ang layunin ng impeachment ay dalawa—una, ang pagtanggal sa puwesto, at pangalawa, ang parusang habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno. At naniniwala ako na bagaman maaaring maiwasan ng pagbibitiw ang unang parusa, ang pangalawang parusa ay mananatili pa rin po,” aniya.

Dagdag pa ni Gutierrez, hindi dapat gamiting paraan ang pagbibitiw upang takasan ang pananagutan.

“Hindi sa palagay ko dapat alisin ang kapangyarihan ng Senate Impeachment Court na ipataw ang pangalawang parusa sa pamamagitan lamang ng simpleng pagbibitiw,” binigyang-diin niya.

In-impeach ng House of Representatives si Duterte noong Pebrero 5, batay sa mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust. Suportado ito ng 215 mambabatas.

Binigyang-diin ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na dapat ituloy ang impeachment trial anuman ang maging desisyon ni Duterte kung siya ay mananatili o magbibitiw sa puwesto.

“Ang proseso ng impeachment trial ay hindi nakadepende sa pagbibitiw ng opisyal na na-impeach, di ba?” aniya.

Ipinaliwanag pa ni Adiong na sa oras na maipadala ng House ang impeachment complaint, obligadong magtipon ang Senado bilang impeachment court at magpasya sa mga kaso laban kay Duterte.

“Ang Kongreso, sa kasong ito, ay nag-impeach kay VP Sara, at awtomatikong kailangang mag-convene ang Senado bilang impeachment court para magdesisyon kung ano ang magiging ruling,” paliwanag niya.

Kasama sa mga kasong iniharap laban kay Duterte ang umano’y balak niyang ipapatay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., malawakang katiwalian sa paggamit ng confidential funds, at iba pang paglabag sa tiwala ng publiko.

Nangako ang mga House prosecutor na magpapakita sila ng matibay na ebidensya upang patunayan ang kanyang pang-aabuso sa kapangyarihan at mga krimeng nagawa.

Habang patuloy na tumitibay ang mga kasong kinakaharap ni Duterte, may mga espekulasyong maaari siyang magbitiw upang makaiwas sa paglilitis at maiwasan ang mas matinding pinsala sa kanyang political career.

Gayunpaman, muling iginiit ni Gutierrez na handa ang prosecution panel sa anumang maaaring mangyari.

“Kahit na may pagbibitiw, depende po sa timeline, pero maghahanda pa rin kami. Kung may pagbibitiw ngunit sinasabi ng impeachment court na tuloy po ang paglilitis, handa kami. Kung magbitiw siya habang may trial, handa pa rin kami,” giit niya.

Ipinunto ng mga legal expert na hindi awtomatikong nawawalan ng saysay ang impeachment trial kapag may pagbibitiw.

Sa kabila ng pagkaantala ng Senado sa pagbuo ng impeachment court, lumalaki ang pressure sa mga senador na kumilos agad.

Ayon sa ilang legal analyst, kung hahayaan si Duterte na makaligtas nang walang pananagutan, maaaring humina ang demokratikong institusyon ng bansa at magtakda ng mapanganib na precedent para sa iba pang opisyal ng gobyerno na nahaharap sa matataas na kaso.

Iginiit ni Adiong na kailangang sundin ang prosesong itinakda ng Saligang Batas, anuman ang mga hakbang na gawin ni Duterte.

“Ito ay tungkol sa pagpapatupad ng mandato ng Konstitusyon sa Kongreso pagdating sa impeachment ng isang opisyal ng gobyerno,” paliwanag niya.