Mayon

Malakas na pag-ulan posibleng maging sanhi ng pagdaloy ng lahar mula Bulkang Mayon

14 Views

POSIBLE umano ang pagdaloy ng lahar mula sa Bulkang Mayon dulot ng inaasahang malakas na pag-ulan dahil sa shear line na nakakaapekto sa katimugang bahagi ng Luzon.

Batay sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) bandang 11:00 ng umaga nitong Biyernes, (February 21), ang “shear line” na nakakaapekto sa Southern Luzon ay inaasahang magdudulot ng patuloy na na pag-ulan sa Bicol region.

Maaari umano itong makabuo ng mga daloy ng sediment ng bulkan o lahar, maputik na daloy ng tubig o maputik na run-off sa mga ilog at mga drainage area, kaya inalerto ang mga komunidad sa mga posibleng panganib.

Ang mga potensyal na lahar at sediment-laden streamflows ay maaaring mangyari sa kahabaan ng Miisi, Binaan, Anoling, Quirangay, Maninila, Masarawag, Muladbucad, Nasisi, Mabinit, Matan-ag, Buyuan, Basud, at Bulawan Channels sa lalawigan ng Albay.