Chua

Senado pwedeng mag-convene bilang impeachment court — House prosecutor

18 Views

MAY mandato ang Senado na agad simulan ang paglilitis sa impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte, hindi lang mula sa Konstitusyon kundi mula mismo sa taumbayan.

Ito ang pananaw ni Manila Rep. Joel Chua, isa sa 11 miyembro ng House prosecution team na naitalaga ng Kamara para sa impeachment trial ni VP Duterte.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na hindi kailangang hintayin ng Senado ang isang special session mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang mag-convene bilang impeachment court at simulan ang paglilitis.

Nang tanungin tungkol sa pahayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na magsisimula ang paglilitis sa Hulyo kasabay ng pagbubukas ng ika-20 Kongreso, sinabi ni Chua na iginagalang nila ang opinyon nito.

“But kami nga po ang stand po kasi namin dito dapat ay agaran na po ‘yung pag-try ng impeachment dahil ito po ay inu-utus po ng ating Saligang Batas. Alam po ninyo, ang Saligang Batas po kasi ito po ay hindi ordinaryong batas,” ani Chua sa programang Bantay Balita sa Kongreso sa Super Radyo dzBB.

“Ito po ang basic law of the land. At ang author po nito ay ang sambayanang Pilipino. Makikita po natin ‘yan sa preamble, ‘with the Filipino people employing the aid of the almighty God.’ So ibig sabihin po niyan ang author ng Saligang Batas ay ang Pilipino. So ang ibig sabihin ang nagsasabi po na ito po ay dapat simulan na agad ay ang sambayanang Pilipino, base po sa ating Constitution,” paliwanag niya.

Tungkol naman sa sinasabing kailangan ng special session mula sa Pangulo bago makapag-convene ang Senado bilang impeachment court, iginiit ni Chua na, “Ako po with all due respect, hindi po ako naninawala na kailangan po ng Presidente para ipatawag ang special session.”

“Bakit po? Kasi mismo ang Saligang Batas na ang nagsasabi, (trial) ‘shall forthwith (proceed).’ So ibig sabihin shall forthwith proceed. But sinasabi rin po ni (former) Senate President (Franklin) Drillon na even without, kung tama po ang pag-kakaintindi ko, parang sinasabi niya the Senate itself, e po pwede po mag-convene para po dito sa impeachment proceeding,” aniya.

Binigyang-diin niya na malinaw ang nakasaad sa Konstitusyon.

“Nakalagay po dun na immediately, o forthwith yung word na ginamit, ‘shall forthwith proceed’ with the impeachment (trial). So ibig sabihin po dito, ito po ay inu-utus ng ating Saligang Batas. Kaya ako po na niniwala na hindi naman kailangan po na ito ay naka-session, para po mag-proceed ng impeachment (trial),” dagdag niya.

Pinabulaanan din ni Chua ang pahayag ni Escudero na naantala ng Kamara ang impeachment complaints sa loob ng dalawang buwan at ngayon ay nagmamadali itong ipasa sa Senado.

Ipinaliwanag niya ang dahilan ng paghain ng ikaapat na impeachment complaint na pirmado ng 215 miyembro ng Kamara bago ang adjournment ng sesyon noong Pebrero 5.

“Alam po ninyo, iba po kasi ang situation ng House, iba ang situation ng Senado. Kasi ang House po, ito po ang magpa-file ng impeachment complaint. So ibig sabihin kung ang ifa file mo naman na impeachment complaint ay mahina, ay bakit ka pa magpag-file, mag-establish ng reklamo?” pahayag niya.

“Kaya kami po, bago po ‘yan ifinile, ‘yung fourth impeachment complaint, is sinigurado po muna ng House na yung ipa-file namin ay solido ang ebedensya. At saka syempre tinignan din po namin na hindi po kami lalabag, ‘yun sa tinatawag namin natin na one-year ban” dagdag pa nito.

Sa panig naman ng Senado, aniya, ang trabaho nito ay dinggin ang kaso na naihain na.

“So ang Senate po kasi ang situation po nila iba, ‘yan po ay i-hear lang po kung ano ang na-filed. So kami po ang mag-establish ng impeachment complaint. So sila po, i-hear lang po nila, ay mas mahirap po mag-establish” paliwanag niya.

Ayon kay Chua, ang unang impeachment complaint ay naglalaman ng 23 reklamo laban kay VP Duterte.

“Pag ‘yun po ang isinampa po namin sa committee on justice, tapos na po ang 19th Congress hindi pa po namin tapos ‘yung hearing. Chances are tatamaan ng one-year ban.’Yung pangalawa at pangatlo naman po, sobrang iksi naman po yung impeachment (complaint),” aniya.

“Kaya po itong pinag-usapan po ng mga ibang congressman, ng mga kongressista, ng mga party leader na kung magpa-file, kailangan ‘yung solido at ‘yung maganda, ‘yung napag-aralan talaga.

Kasi po ang magiging problema po natin dyan, pag nag-file po tayo ng useless din, ay sayang rin lang po ‘yung oras natin parepareha, at tsaka ‘yung pera po ng taong bayan,” wika pa niya.

Dahil dito, napagkasunduan ng karamihan sa mga mambabatas na maghain ng ikaapat na impeachment complaint.

“Now, ito po ang na-filed na po to, ito po ay pitong article lang at ang nilalaman po na ito ay very solid po. At saka napakahirap po talagang mag-decision sa (House), kasi tatlong daan mahigit po ang kongresista para mapagkaisahan po, ‘yung talagang masasabi po natin, na katanggap-tanggap na impeachment complaint,” ani Chua.

Sa pahayag ni Escudero na dapat maghanda na lang ang House prosecution team sa halip na magreklamo tungkol sa delay, sinabi ni Chua, “Sa ngayon, naghahanda kami at hindi naman kami gigil. Sinisigurado lang namin na sinusunod ang nakasaad sa Konstitusyon.”

Samantala, sa pahayag ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na kayang simulan ng Senado ang impeachment trial sa susunod na buwan imbes na sa Hulyo, sinabi ni Chua, “Sila po mismong senador hindi sila magkasundo. Pero kami po, ulitin ko po ah hindi po namin inupuan. Ito po ay pinag-aralan at ang lumabas nga po dito ay ‘yung impeachment complaint na katanggap-tanggap po sa mga kongresista dahil napakarami po namin.”

Nagpahayag din siya ng pagkagulat sa petisyon ni VP Duterte sa Korte Suprema upang ipatigil ang impeachment trial at kuwestyunin ang proseso sa Kamara.

Gayunman, kumpiyansa si Chua na ibabasura ng Korte Suprema ang petisyon ng Bise Presidente.

“Well, nagtataka nga po kami kung bakit po sila nag-file nito samantala noong una ang sinasabi nila na parang balewala at kaya po nila at handa po silang harapin ang impeachment complaint. At sinasabi nga po dati ng ating Bise-Presidente na i-file nyo na ‘yan, dahil masimula na ‘yan,” saad niya.

“Kaya nga po nagtataka kami kung bakit po nila ginawa ‘yun. In any event ay kami naman po, handa naman po kami kung sa magiging outcome. Pero ako po na naniniwala na ito po finile nila na petition ay hindi po mabibigyan ng bearing. Wala pong timbang, hindi mananalo,” ani Chua.