BBM

Protect votes panawagan ng BBM-Sara tandem

352 Views

NANAWAGAN sina UniTeam presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte sa mga botante na protektahan ang kanilang boto.

Ayon kay Marcos bukod sa pagboto ay dapat na maging mapagmatyag ang mga botante upang hindi manakaw ang kanilang boto.

“Panalo na! bastat bantayan niyo ‘yung boto sa Lunes na walang tulugan. Hihingi tayo sa lahat ng kaibigan natin ng maraming-maraming kape para walang matutukog dahil alam naman natin kapag tayo ay natulog maraming nangyayari na ‘di kanais nais,” sabi ni Marcos.

Muling humingi ng suporta si Marcos sa mga botante upang sila ay manalo sa paparating na halalan at masimulan na ang trabaho ng pagkakaisa.

Nagpasalamat naman si Duterte sa mga sumuporta sa kanila at muling inulit na mahal niya ang mga ito.

Patuloy na nangunguna sa mga survey ang sina Marcos at Duterte at maraming analyst ang nagsasabi na batay sa numero ng dalawa ay mahirap na silang talunin pa.

Sinabi ni Duterte na pinaghiwa-hiwalay ng eleksyon ang mga Pilipino pero pagkatapos ng halalan ay dapat na mawala na ang iba’t ibang kulay ng pulitika at ang mangibabaw na ay ang pagiging Pilipino.

Nangako si Duterte na kanyang isusulong ang pagpapatuloy ng mga programa at proyekto ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte gaya ng Build, Build, Build programa at ang kampanya laban sa kriminalidad.