QCPD

Police colonel inaresto sa reklamo ng secretary ng panghihipo

18 Views

DINAMPOT ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Martes ang isang police colonel matapos umanong manyakin ang kaniyang secretary noong nakaraang taon.

Sa report ng QCPD Anonas Police Station 9, pasado alas-12 ng tanghali nitong Martes (March ) nang arestuhin ang colonel sa Brgy. Fairview sa lungsod sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 135 sa kasong acts of lasciviousness sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code, na may piyansang P36,000.

Matapos isilbi ng mga pulis ang warrant, dinala ang colonel sa Anonas Police Station 9 kung saan sumailalim ito sa booking procedures.

Nag-ugat ang pag-aresto sa opisyal matapos magsampa ng kasong kriminal sa Quezon City prosecutor’s office ang kaniyang secretary na isang non-uniformed personnel (NUP) ng Philippine National Police (PNP).

Sa siyam na pahinang resolusyon na inilabas noong Pebrero 11, sinabi ng prosecutor’s office na nakahanap sila ng sapat na ebidensya para kasuhan ang opisyal ng acts of lasciviousness.

Batay sa reklamo ng biktima, nangyari ang kanyang kalbaryo noong Hunyo 2023 nang hawakan ng opisyal ang kanyang mga kamay, hita at pribadong bahagi habang siya ay nasa loob ng kotse ng colonel.

“Said acts exhibit the sexual desire of respondent and he committed the same when they were alone in his personal vehicle. Glaringly, said acts were done against the will and without the consent of complainant,” nakasaad sa resolution.

Gayunpaman, ibinasura ng prosecutor’s office ang reklamo laban sa opisyal sa paglabag sa Section 3(g) ng Republic Act 7877, o ang Anti-Sexual Harassment Act dahil wala nakitang sapat na ebidensya.

Bagama’t sinabi ng nagrereklamo na binantaan ng opisyal na ‘di nito pipirmahan ang kanyang NUP clearance, sinabi ng prosekusyon na “ito ay nakakondisyon sa kanyang pagsama sa bagong tungkulin o opisina at hindi kapalit ng anumang sekswal na pabor.”

Ayon sa biktima, galing sila sa meeting sa Maynila at pagkatapos ay pilit siyang pinasakay ng colonel sa sasakyan nito.

Hindi naman umano makatanggi ang biktima dahil ‘boss’ umano niya ito.

Habang nasa sasakyan, sinabi ng biktima na hinawakan ng opisyal ang kanyang pribadong bahagi at niyaya pa itong pumunta sa isang motel na tinanggihan nito.

Bago makarating sa Camp Crame, sinabi ng biktima na hinawakan ng colonel ang kanyang hita at inalok siya ng P10,000 bilang allowance kapalit ng pakikipagrelasyon sa kanya.