Timbog

Hinuli sa boga nabuking pa na may droga

Edd Reyes Mar 5, 2025
28 Views

KULONG ang napala ng 42-anyos na suspek nang pagbentahan ng hindi lisensyadong baril ang isang pulis na nagpanggap na buyer at nabuking pa na may dalang shabu noong Linggo sa Caloocan City.

Tiklo sa mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Edcille Canals si alyas Boom nang tanggapin ang P6,500 na markadong salapi mula isang operatiba ng Intelligence Section kapalit ng .9mm pistol na may tatlong bala.

Isinagawa ang bentahan ng armas sa C3 Road, Brgy. 21, matapos makarating sa kaalaman ni P/Maj. Arnold Lising, hepe ng Intelligence Section, na naghahanap ng buyer ng kanyang baril si alyas Boom.

Kinapkapan ng mga pulis ang suspek at doon nabuking na may pag-iingat itong 6.1 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P41,480.

Pinuri ni P/Col. Josefino Ligan, director ng Northern Police District (NPD), ang Caloocan police sa pagkakahuli sa suspek.