Suspek1 Arestado ng mga pulis ang isa sa suspek na nanaksak sa 17-anyos na biktima. JONJON C. REYES

1 sa 3 suspek sa pang-aagaw ng bike, tiklo

Jon-jon Reyes Mar 5, 2025
21 Views

SUGATAN ang 17-anyos na lalaki biktima matapos magtamo ng dalawang saksak sa likod nang manlaban sa tatlong nagtangkang umagaw sa kanyang bike sa Mel Lopez Boulevard, Tondo, Manila noong Martes.

Naaresto ang isa sa tatlong suspek. Ayon sa report, nagpapala ng basura at kukuha sana ng sweldo ang biktima nang mangyari ang insidente.

Nakasalubong ng biktima ang tatlong suspek habang nakabisikleta at sinubukang agawin sa kanya ang bisikleta na hiniram lang pala niya.

Lumaban umano ang biktima sa mga suspek kaya naglabas na ng patalim ang isa sa mga ito at dalawang beses na sinaksak sa likod ang biktima.

Nakatakbo pa ang biktima mula sa mga suspek at nakahingi ng tulong sa mga residente kaya naisugod siya sa ospital.

Habang itinatakas ng tatlong suspek ang bisikleta hinabol sila ng mga residente hanggang sa tuluyan silang nagpulasan.

Dahil dito tumalon sa tulay ang isa sa suspek na sumaksak sa biktima at nagtago sa isa sa mga beam ng tulay.

Tumagal ng dalawang oras bago nahuli ang suspek dahil kailangan pang palikasin ang mga residente kung saan nagtatago ang suspek.