Calendar
House leaders binanatan si Davao Mayor Baste sa isyu ng krimen
BINUWELTAHAN ng ilang lider sa Kamara si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte matapos nitong sabihin na mas mataas ang crime rate ngayon kumpara noong termino ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales, puro disinformation ang pinakawalan ni Mayor Baste at dapat muna itong mag-fact check bago magpakalat ng maling impormasyon.
“So, makikita natin na talagang may disinformation din ‘yung mga pahayag ni Mayor Baste. At sana mag-fact check muna sila kaysa magpakalat ng maling impormasyon,” ani Khonghun sa isang press conference.
Base sa datos ng Department of the Interior and Local Government (DILG), mas mataas umano ang crime rate noong panahon ng Duterte administration kumpara sa ilalim ng kasalukuyang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Hindi naman nagsisinungaling ang data…ayon mismo sa ulat nga ng DILG, noong July 1, 2016, hanggang Abril 2018, umabot sa 196,000 plus ang naitalang crime index noong mga panahon na ‘yon. At sa ngayon, sa ilalim ni President Bongbong Marcos, bumaba ito sa 71,500 plus,” paliwanag ni Khonghun.
Iginiit ni Khonghun na dapat kilalanin ang tagumpay ng administrasyong Marcos sa pagbawas ng krimen.
“Dapat din natin kilalanin ‘yung tagumpay ng administration ng sa pagbawas ng kriminalidad. Ang pagbaba ng crime rate sa administrasyon ng ating Presidente is patuloy lamang. Meron hong epektibong pagpapatupad ng batas kumpara doon sa madugong taktika ng nakaraang administrasyon,” aniya.
Sinang-ayunan ito ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union, na nagsabing hindi kailangang maging madugo ang kampanya kontra kriminalidad.
“Nagpapatunay lang po na hindi kailangan na maging madugo ang laban sa krimen at sabi nga rin po nila, iba po ‘yung takot ka saka meron kang takot sa batas. Mas importante ‘yung natatakot ka, may takot ka sa batas dahil na a-uphold ‘yung rule of law, saka wala pong state of lawlessness dito sa ating bansa,” saad ni Ortega.
Ayon naman kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil, bagama’t may mga nag-viral na insidente ng krimen sa social media, hindi ito nangangahulugan na tumataas ang crime rate.
Sa katunayan, mula Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2025, bumaba ang bilang ng focus crimes ng 26.76 porsyento—mula 4,817 kaso noong 2024, bumagsak ito sa 3,528 kaso ngayong taon.
“Crimes may seem more visible because they go viral on social media, but what’s crucial is that the same platforms help speed up investigations and bring criminals to justice. We encourage responsible reporting—use social media as a tool for safety, not panic,” ani Marbil.
Kabilang sa focus crimes ang theft, robbery, rape, murder, homicide, physical injury at ‘car-napping’ ng motorsiklo at sasakyan.
Malaki rin ang ibinaba ng kaso ng panggagahasa o rape—mula 1,261 kaso noong 2024, bumaba ito ng halos kalahati sa 623 kaso ngayong taon.
Base naman sa year-on-year data, bumagsak ng 7.31 porsyento ang kabuuang focus crimes sa bansa—mula 41,717 insidente noong 2023, naging 38,667 na lang ito noong 2024.