Calendar

PBBM tumupad sa pangako
SA larangan ng pulitika,sa Maynila, may kanya-kanyang pamamaraan ang mga kandidato sa panghihikayat ng mga botante, para masungkit ang kanilang boto sa nalalapit na halalan.
Kabilang sa mga pangunahing kandidato sa pagka-alkalde ng kapitolyo ng bansa sina dating Yorme Isko Moreno Domagoso, Mayor Honey Lacuna, at Sam Versoza, pero hindi naman kaila na sa lahat ng naglabasang survey, nakakalamang ang dating alkalde.
Sa kabila ito ng mga tinatanggap niyang mga batikos, kabilang ang umano’y kawalan ng utang na loob, ibinaon daw sa utang ang Maynila, pinagbebenta raw nag mga ari-arian ng lungsod, at kung ano-ano pa.
Tulad ng kasabihan sa larong basketball na “defense is the best offense”, puro salag lang ang ginawa ni Yorme, pagpapaliwanag, at pagpapaalala sa mga taga-Maynila, kung ano ang kanyang mga nagawa sa panahon ng kanyang panunungkulan, at kung ano ang reklamo ng mga Manilenyo ngayon sa kalagayan ng lungsod.
Hindi naging estilo ni Yorme ang bumanat ng masakit na salita at mag-alipusta ng sinuman bagama’t masakit talaga sa pandinig at sa dibdib ng kanyang mga katunggali ang paglalahad niya ng mga reklamong kanyang natatanggap sa mga kababayan.
Nakadagdag pa marahil sa ngitngit ng mga katunggali ang pagsiwalat ng kanyang mga gagawin sa Maynila kung sakali at pagtiwalaan siyang muli ng Manilenyo na maging Punong Lungsod.
Ang isa pa sa naging bentahe ni Yorme ay ang estilo ng kanyang mga pananalita na kinagigiliwan ng kanyang mga kababayan, lalu na ng mga taga-Tondo, dahil alam niyang bumigkas ng salitang kalye, bunga na rin marahil ng pagiging dating basurero sa kanyang distrito sa panahon ng kanyang kabataan.
Pero sa kabila ng kalamangan ni Yorme sa mga naglalabasang survey, wala pa ring katiyakang makukuha niya ang malaking boto, lalu’t maraming ka-alyado sa pulitika si Mayor Lacuna, bukod pa sa mga magagandang ginawa ng alkalde sa panahon ng, partikular ang pagdoble ng pensiyon ng mga senior citizen, mga gawaing pang-imprastraktura at iba pa.
PBBM, nakatuon sa pagpapatatag sa presyo ng mga bilihin – Rep. Tiangco
TIWALA si Navotas Rep. Toby Tiangco na magiging matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng pangako ni Pangulong Bongbong Marcos matapos maitala sa 2.1% ang inflation rate noong Pebrero.
Sabi ni Tiangco, na Chairman ng Information and Communication Technology (ICT) sa Kamara, ang maagap na pagtatakda ng maximum suggested retail price ng imported na bigas at pagsasabatas ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ang nagpababa sa inflation.
Gayunman, kahit aniya mabisa ang aksiyon ng pamahalaan, hindi sila dapat maging kampante kaya’t hinimok niya ang mga ka-partner at ahensiya ng pamahalaan na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng istratehiya upang tuluyang mapatatag ang presyo ng mga bilihing pagkain.
Sabi pa ni Rep. Tiangco, makakatulong ng malaki sa bawa’t pamilya ang pagbaba sa presyo ng mga pagkain upang makapaglaan pa sila ng panggastos sa iba pang pangangailangan.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].