bro marianito

Sundin ang ‘ultimate commandment’

191 Views

Halimbawang magpakita sa iyo ang Panginoon at tanungin ka kung alin ang pipiliin mo? Kayamanan sa langit o kayamanan sa lupa? Ano ang magiging sagot mo?

GANITO ang tema sa Mabuting Balita ngayon (Matt. 19-16-22) tungkol sa isang lalaking mayaman na lumapit at nagtanong kay Jesus kung anong mabuting bagay ang puwede niyang gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Para tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, kailangan nating sundin ang Sampung Utos ng Diyos alinsunod sa naging paliwanag ni Kristo sa lalaking mayaman.

Mga bata pa lamang tayo ay itinuturo na sa atin ng ating mga religion teacher sa elementarya kung ano-ano ang Sampung Utos.

Maging sa Simbahan ay muli itong itinuturo kaya sabi nga ng iba ay: “Hindi na kailang I-memorize iyan.”

Bilang isang mabuti at tapat na Kristiyano, marahil ay nararapat lang na sundin natin ang itina-takda ng Sampung Utos upang makamit natin ang buhay na walang hanggan at maging isang mabuting anak ng Diyos.

Ipinaliwanag ni Hesus sa mayamang lalaki na kailangan niyang ibenta ang lahat ng kaniyang ari-arian at ibigay sa mga mahihirap ang pinag-bentahan para siya ay magkaroon ng kayamanan sa langit.

Nang marinig ito ng lalaking mayaman ay malungkot siyang umalis dahil hindi niya kayang mag-bahagi ng kaniyang kayamanan para sa mahihirap at siya ay nanghi-hinayang.

Ang akala kasi ng lalaki, at maging ng marami sa atin na sapat na sa Diyos ang pagsunod lang natin sa Sampung Utos kahit hindi na tayo magbahagi ng ating kayamanan sa mga taong naghi-hikahos.

Mas mahalaga para sa lalaking ito ang kayamanan sa lupa kaysa sa kayamanan sa langit. Kaya ganoon na lamang ang kaniyang panlulumo, kaya ang tanong: Totoo kayang mahal niya ang Diyos?

Ilan din sa atin ang kagaya ng lalaking mayaman. Masyado ang pangu-ngunyapit sa kayamanan at ayaw itong ibahagi sa kapwa.

Samantalang ito ay ipinagkatiwala lamang ng Diyos sa atin. Alalahanin natin na hindi natin ito madadala sa pupuntahan natin kapag binawi na ng Panginoon ang ating hiram na buhay.

Hindi sapat ang pagsunod lamang sa Sampung Utos sapagkat ito ay kinakailangang patunayan sa pamamagitan din ng gawa. Dahil ang pagmamahal sa Diyos ay hindi lamang sa salita.

Paano Natin masasabing mahal natin ang Panginoon kung nakikita natin ang ating kapwa na nagdurusa?

Paano mo masasabing mahal mo ang Diyos kung pikit mata ka sa mga taong humihingi sa iyo ng tulong?

Ang pagmamahal sa ating kapwa sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila ay isang “ultimate commandment” dahil balewala ang pagtalima natin sa Sampung Utos kung ang napakahalagang utos ay hindi pa natin kayang gawin:

Amen.